Na-in love sa may asawa
Dear Dr. Love,
Hindi ako makapaniwala na minsan sa aking buhay na mahuhulog ako ng lubusan sa isang babae na hindi ko pinaniwalaang may asawa na.
Sa isang party ng kaibigan ‘kong si Derrik na kilala si Marla. At talaga naman na napako ang tingin ko sa kanya. Dahil buo ang aking isip nang mga sandaling iyon na siya na ang babae na tutupad sa pangarap ko na magkaroon ng asawa.
Nang mga panahong iyon ay hindi ko alam na may asawa na siya. Nakihalu-bilo ako sa grupong kinabibilangan niya. At pakunwa’y hindi ko siya pansin.
Nang matapos ang gabing iyon, hindi na ako matahimik. Halos gabi-gabi ay laman ng isip ko si Marla. Hanggang dumating ang sandali na hindi na ako makatiis, kaya tinawagan ko si Derrik para tanungin kung saan ko pwede ma-contact si Marla.
Tinawanan ako ng kaibigan ko at sinabing hindi ko raw ba alam na hindi na puwedeng ligawan si Marla dahil mayroon na itong asawa. Hindi ko makuhang maniwala kay Derrik, sa pag-aakalang ginu-good time niya lang ako gaya ng mga nakaraang pagbibiro niya sa akin.
Pero totoo nga pala. Minsan, tumambay ako sa opisinang alam ‘kong pinapasukan ni Marla. Nagkunwa akong may inaabangan sa gate na nilalabasan ng lahat na empleyado. At nakita ko nga si Marla nang sunduin siya ng kanyang asawa. Nakita niya ako at binati sabay pakilala sa kasama niyang mister. Masakit malaman na nabansot muli ang aking pagtatangi. Hindi pa kasi ako naniwala kay Derrik.
Back to normal uli ang buhay ko ngayon, Dr. Love. Alam ko na matatagalan pa uli bago ako makakilala ng babaeng tutugon sa maselan ‘kong panlasa.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ‘kong ito.
Gumagalang,
Hector
Dear Hector,
Maraming salamat sa sulat mo, Hector. Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay may itinakdang kaligayahan sa buhay. Marahil, hindi mo pa natatagpuan ang para sa iyo. Take your time at i-enjoy ang buhay sa kabila ng lahat. Malay mo bukas o sa mga susunod na araw ay makilala mo na ang babaeng nakatakda para sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending