Nagbalik sa pugad

Dear Dr. Love,

Isa po akong biyuda, 45 years old at mayroong tatlong anak. Sa umpisa ay hirap akong igapang ang pangangailangan ng aking­ mga anak dahil sa kakarampot na naiwan ng aking­ asawa. Pero nang maisipan ko ang pag­ta­tayo ng parlor sa ibaba ng aming bahay, malaking tulong po ito.

Dito ko nakilala si Jhonny, hiwalay sa asawa at may dalawang anak. Ang pag-uusap namin ay nauwi sa atraksiyon sa isa’t isa hanggang sa magkaroon kami ng relasyon. Nakita ko rin ang aking sarili na naging dependent sa kanya, lalo na sa pinansiyal.

Pinangakuan niya ako ng kasal sa sandaling maayos ang legalisasyon ng paghihiwalay nilang mag-asawa pero napako na ito. Dahil nagkabalikan na sila. Ang mga anak nila ang gumawa ng paraan para magkabati silang mag-asawa.

Simula noon, ipinangako ko na hindi na a­asa pa sa iba. Ayaw ko na rin magpaligaw. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa kabila ng aking kabiguan ay matagumpay naman ang aking mga anak. Maunlad na rin po ang aming parlor. Hanggang dito na lang po at sana kapulutan ng aral ng inyong mambabasa ang karanasan ‘kong ito sa pag-ibig. Maraming salamat­.

Celerina

 

Dear Celerina,

Salamat sa liham mo. Maaaring hindi ka masyadong pinalad sa iyong love life dahil nabiyuda ka agad at naunsiyami kay Jhonny pero matagumpay naman ang mga anak mo. Kaya maswerte ka pa rin. Hangad ng pitak na ito ang tuluy-tuloy na kaligayahan sa inyong mag-iina.

Dr. Love

Show comments