May anak sa 'labas' si Mister
Dear Dr. Love,
Sa loob ng maraming taong pagsasama namin ng mister ko, ngayon lang ako nagkaroon ng insecurities. Labis akong binubulag ng selos at pangamba na isang araw, magkakahiwalay kami ng asawa ‘kong si Fermin. Ngayon pa namang mga teenager na ang dalawa naming anak na lalaki.
Ang dahilan po, mayroong dalagang naanakan ang mister ko, isang estudyante na ipinasok niyang bookkeeper sa imprentang pinangangasiwaan niya. Dumating ang panahon na nabisto na ang kanilang affair, nagwala ang dalawa ‘kong anak at kinumpronta ang kanilang ama. Inamin ni Fermin ang pagkakasala.
Nangako ng sustento si Fermin sa magulang ng babae. Sa kabila nang pag-amin, sinabi ni Fermin na tinukso siya ng babae dahil akala ay marami siyang pera. Ang akala ko tapos na ang aming problema. Pero, inatake ang mister ko kaya nahinto ang sustento. Biglang sumulpot uli si Magda at sa mismong tapat namin ang inupahan niya at nagpa-board and lodging. Dinala ni Magda ang anak niya. Nakita ko sa mukha ni Fermin ang lukso ng dugo nang una niyang makita ang bata, si Nancy.
Nanggagalaiti ang dalawa ‘kong anak sa ginagawang pananadya ng babaeng ‘yun sa aming pamilya. May bago siyang lalaki na may edad na. Pinagseselos niya ang mister ko. Ipinamumukha ang pananagutan niya sa bata. Ano po ba ang gagawin ko?
Maraming salamat at more power sa inyo.
Gumagalang,
Vicky ng Maynila
Dear Vicky,
Dedma ka lang sa pananadya ng dating babae ng iyong asawa. Sikapin mo rin na maliwanagan ang iyong mga anak na huwag paapekto dahil lalo lamang siyang gagawa ng pang-iinis sa inyong mag-iina, lalo na sa iyong mister. Napapanahon na para magtulungan kayo bilang pamilya at para sa kapakanan ng inyong pamilya. Kung tapat ang pagkilala ng iyong asawa sa naging kamalian niya, mananaig ang damdamin para sa inyo.
Hangad ng pitak na ito ang kaayusan at kaligayahan ng inyong pamilya. God bless you.
Dr. Love
- Latest
- Trending