Huli na ang lahat

Dearest Dr. Love,

Hayaan mo munang kumustahin kita. Sana, okay ka at walang problema sa pagtang­gap ng sulat ko.

Tawagin mo na lamang akong Mimi, 23 anyos­ at dalaga pa. Isa akong call center agent at minsan ay dinalaw ako ng isang da­ting manliligaw. Tawagin mo na lang siyang Arnold.

Noong college, ayaw na ayaw ko sa kanya. In other words, agad ko siyang binasted. Pero nang huli ko siyang makita ay ‘di ko malaman kung bakit may kung anong tumibok sa dibdib ko.

Pero gumuho ang damdaming ‘yun nang sabihin niyang may asawa na pala siya at dalawang anak.

Nalaman lang daw niya na nagtatrabaho ako sa call center na ‘yun na pag-aari pala ng kanyang uncle. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig nang sabihin niya na may pamilya na siya.

Bakit ganoon, Dr. Love? Noong araw hindi ko siya gusto pero nang magkita kami ay gusto ko na siya pero hindi na puwede. May boyfriend ako ngayon pero parang nanlamig ako sa kanya mula nang magkita kami ni Arnold.

Tulungan mo ako?

Mimi

Dear Mimi,

Mahiwaga kung minsan ang buhay. Pero kung may asawa na ang dati mong suitor, wala ka nang magagawa kundi tanggapin ito at makuntento sa boyfriend mo. Higit sa lahat, huwag mong ipahahalata sa dati mong manliligaw na may gusto ka na sa kanya dahil hindi na tama iyan. Iturin mo na lang na isang nakatiklop na kabanata­ ng buhay mo ang nangyari.

Dr. Love

Show comments