Dear Dr. Love,
Tuwing Semana Santa. Hindi ako lumiliban sa pagbibisita Iglesia, dahil para sa akin ito ang bahagi ng aking pag-aayuno sa dalangin na makamit ang kapatawaran sa nagawang pagkakamali sa aking asawa at dalawang mga anak.
Nahibang kasi ako sa ibang lalaki. Nagahaman sa pera at sa layaw ng katawan na ibinigay sa akin ng aking kalaguyo. Iniwan ko ang asawa at dalawang anak dahil sa kanya. Pero ano ang ginawa niya? Tulad ng ibang babae niya, iniwanan niya ako.
Tinangka ko noong bumalik sa aking pamilya pero singtigas ng bato ang puso ni Mimoy. Pinatawad na raw niya ako, pero hindi ko na raw puwedeng makita ang dalawa naming anak. Patay na raw ako para sa kanilang mag-aama. Binatilyo na ang aming panganay. Sampung taon naman ang bunso naming babae.
Bilang isang ina, ngayon ko nakuro ang bigat ng aking kasalanan. Ni hindi ko man lang makita at mayakap ang aking mga anak. Pero hindi ako magsasawa na gumawa ng pagsisikap na makita man lang ang dalawa. Hindi ko alam kung nasaan na sila. Kung sino ang nag-aalaga sa kanila.
Ano po ba ang dapat ‘kong gawin para makuha ang pagpayag ng aking asawa na makita ang dalawa ‘kong anak? Payuhan mo po ako.
Gumagalang,
Vivian
Dear Vivian,
Ano man ang pagkakasala kung maipapakita ang sinseridad sa pagsisisi at paghingi ng tawad kasama ang tapat na hangaring magbago ay may nakalaang kapatawaran.
Hindi mababago na ikaw ang ina ng iyong pamilya, kaya kung mananatili ang pagpapakumbaba sa iyong puso para muling makuha ang tiwala at loob ng iyong asawa at dalawang anak, hidi malabong muling mabuo ang inyong pamilya.
Panatilihin mong buo ang iyong pag-asa, pangunahin sa Panginoon at makakasiguro ka sa Kanyang pangako na pinakamabuti para sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay.
Hangad ng pitak na ito ang pagakabuklod ng lahat ng pamilya sa mundo. God bless you.
Dr. Love