Hindi na sila bagay

Dearest Dr. Love,

Alam ‘kong wala akong ibang malalapitan kundi ikaw, Dr. Love. Salamat sa mga love advice mo na nakatutulong sa maraming katulad ko na may problema sa pag-ibig.

Ako po si Jimmy, 27 anyos at ang problema ko’y tungkol sa kasintahan ‘kong nakipag-break sa akin dahil sa ibang lalaki.

Masakit dahil dalawang taon na kami. Tinanong ko siya kung bakit at ang sabi niya’y hindi raw siya bagay sa akin. Nalaman ko na natukso siyang makipagtalik sa isang bagong kakilala na ipinakilala sa kanya ng isang common friend. Lasing daw siya noon. Humingi siya ng tawad sa akin at pinatawad ko siya. Pero talagang desidido siyang hiwalayan ako.

Hindi na raw kami nababagay dahil mabuti akong tao. Ano ang gagawin ko, Dr. Love?

Jimmy

Dear Jimmy,

Nakokonsensya ang girlfriend mo sa bigat ng kasalanang nagawa niya sa iyo. Kung tunay ang pagmamahal ninyo sa isa’t isa, mananaig ito at makakayang kalimutan ang naging pagkakamali.

Kailangan lamang ay nakatitiyak kayo sa bawat isa- ikaw, na pinapatawad mo na siya at sa parte naman niya ay buo ang katapatan niya sa pagsisisi, kalakip ang katiyakan na hindi na muling gagawin ang pagkakamali. Dahil kung hindi, magiging mitsa ito ng paulit-ulit ninyong pagtatalo. Na maaaring tuluyang sumira sa inyong relasyon.

Kung sa palagay mo naman ay nagawa mo na ang lahat at wala sa kanya ang pag-aalinlangan sa pakikipaghiwalay sa iyo…pinakamabuti na tanggapin mo ang katotohanang ito at isipin na hindi kayo para sa isa’t isa.

Manatili kang positibo sa buhay at umasa na darating din ang tunay na kaligayahan sa buhay mo.

Kasama mo ang pitak na ito sa pagdalangin tungkol sa iyong lovelife. God bless you.

Dr. Love

Show comments