Hiningi ang kalayaan
Dear Dr. Love,
Hindi na po ako bago sa pitak ninyong ito dahil sa nakalipas na limang taon, ilang ulit na rin akong nagpadala ng sulat at nakahingi ng mahalaga ninyong payo.
Dr. Love sa una ‘kong pag-ibig nauwi akong luhaan dahil ang babae na inakala ‘kong sagot sa mga dasal ko ay iniwanan ako at ipinagpalit sa iba. Sumama si Jinky sa ibang lalaki.
Sa hindi naman inaasahang pagkakataon ay parang hulog ng langit nang dumating sa buhay ko si Grace. Nagsimula kami sa pagiging mag-textmate hanggang sa magkaroon kami ng relasyon. Maligayang maligaya ako kaya umasa na sa sandaling makalaya ay magpapakasal kaming dalawa.
Pero isang hindi inaasahang pangyayari ang bumago nito. Nang minsang bumisita si Grace ay isa pang bisita ang dumating, si Jinky. Nang makita siya ni Grace ay sumama ang tabas ng mukha niya at mabilis na umalis. Hindi na ako nakapagpaliwanag. Sinabihan ko si Jinky na huwag nang dadalaw uli dahil kamalasan ang dala niya.
Sinikap kong makumbinsi si Grace na makipag-usap sa akin nang personal para maipaliwanag ko sa kanya ng mabuti ang nangyari. Pumayag siyang dumalaw uli pero ang pakay niya ay hingin na ang kalayaan niya. Iniluha ko na lang ang desisyon niya. Nawalan na ako ng pag-asang liligaya sa buhay, na humantong sa tangka kong pagbibigti sa selda pero nailigtas ako ng mga kasamahan ko.
Sa ngayon ay iniuukol ko ang buhay ko sa paglilingkod sa Diyos, nagpatuloy rin ako ng aking pag-aaral. Isang taon na lang ang bubunuin ko, Dr. Love para makalaya. Sana matulungan mo akong magkatagpo ng kaibigan para paglabas ko may mauuwian ako at nawa’y may mapapakasalan. Hihintayin ko po ang mahalaga nin yong payo at sana huwag kayong manghinawa sa pagtulong sa tulad ‘kong bilanggo.
Maraming salamat at God bless you always.
Gumagalang,
Marvin Soriano
4-B YRC Student Dorm
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Marvin,
May iba’t ibang pangyayari sa buhay natin na hindi inaasahan. Marahil kabilang dito ang naging pagtatagpo ng dalawang babae na naging mahalaga sa iyo. Huwag mo itong ikawalan ng pag-asa, sa halip isipin mo na hindi sila ang nakatadhana para sa iyo. Ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti diyan sa loob at sana kahit nasa malayang lipunan ka na ay hindi ka makalimot sa Diyos. Hangad ko na maipagpatuloy mo ang ganap na pagbabago sa iyong buhay. Kasama mo ako sa panalangin para matagpuan ang babae na magiging katuwang mo sa buhay. God bless you.
Dr. Love
- Latest
- Trending