Nawalan na ng amor

Dear Dr. Love,

Isa po akong nurse na kasalukuyang nag­li­lingkod sa isang ospital ng gobyerno. Hiwalay ako sa asawa at mayroong isang bina­tilyong anak na nasa first year college.

Nagpasya akong huwag nang makisama kay Harry dahil nananakit siya kapag wala akong maibigay na pera. Wala po siyang trabaho kaya solo ‘kong binabalikat ang gastos sa pag-aaral ng aming anak. Tinutulungan po ako ng mga kapatid ko na nasa abroad.

Dati akong nagtatrabaho sa Middle East pero matapos ang tatlong taong kontrata, umuwi na ko. Ang hindi ko alam, nilaspag ni Harry ang lahat ng kinita ko kaya mahabang listahan sa mga inabono raw ng aking biyanan at sa dalawang tindahan na malapit sa amin ang bumulaga sa akin.    

Napika na ako nang ako pa ang sisihin ng aking biyanan sa pagkairesponsable ni Harry. Alam ko raw ang history ng kanilang anak. Totoo, dahil sa isang rehabilitation ko nakilala si Harry, nurse ako doon. Ang akala ko tuluyan na siyang magbabago lalo na sa kanyang masamang bisyo.

Dr. Love, nawawala pala ang pag-ibig kapag iresponsable at may masamang bisyo­ ang kapareha. Wala na ang respeto ko sa aking­ asawa. Hinihimok ako ng aking biya­nang babae na bigyan pa ng ikatlong pagkakataon ang aming pagsasama. Pero wala na akong amor sa kanya. Hindi na puwedeng awa na lang ang aking paiiralin. Paano naman ang kapakanan ko at aking anak?

Payuhan mo po ako. May petisyon na ako mula sa aking ama para magtungo sa US kasama ang aking anak.

Gumagalang,

Alicia

Dear Alicia,

Gaya ng madalas ‘kong sinasabi sa ating column, hangga’t maaari at kung maiiwasan ay huwag sanang gawing option ang paghihiwalay ng mag-asawa, sa mga hindi pinagkakasunduan o ano mang pagsubok na dumarating sa relasyon. Dahil wala sa pagitan ng mag-asawa ang tunay na kabiguan kundi sa kanilang anak.

Gayunman, ikaw ang mas nakakakilala at nakakaalam sa iyong damdamin para sa asawa mo. At sa isang banda ang malimit na pananakit ay hindi mabuti sa isang relasyon. Kung bukas sa inyong anak ang nagiging sitwasyon ninyong mag-asawa, subukan mong hingin ang opinion niya tungkol dito at ipaliwanag mo sa kanya ang iyong plano sa inyong dalawa. Natitiyak ‘kong makakaunawa na siya. Mula dito marahil ay makapagpa-finalized ka na tungkol sa petisyon. Subukan mo rin alamin ang kaugnay sa aspetong legal para maiwasan ang ano mang aberya kapag nagkataon. Sumangguni ka sa abogado.

Dr. Love

Show comments