Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo at sa buong staff ng PSN. Ako po ay 40 anyos na at dalawampung taon nang nagsisilbi sa ipinataw na sentensiya sa akin ng korte.
Sa tagal na ng panahong narito ako sa bilangguan, parang nalimot na ako ng aking mga kamag-anak at kaibigan. Mayroon akong asawa pero hiwalay na kami. May limang anak kami pero hindi ko na alam kung nasaan na sila.
Naging masalimuot ang aking buhay noong nasa laya pa ako. Ito ang nagbunsod para mawalan ako ng direksiyon at humantong sa piitan. Malungkot ang buhay ng isang bilanggo pero dito ko natutuhang pulutin ang pira-pirasong mga alaala at ganap na pagsisihan ang nagawang kasalanan.
Sa loob nang matagal na panahon na narito ako sa kulungan, natutunan kong tumawag sa Diyos. Mangakong hindi na tatahak sa liko-likong landas, Magpapakatino na ako sa sandaling makalaya, malapit-lapit na rin po ang araw na ‘yon.
Kaya ang kahilingan ko sana, magkaroon ako ng kaibigan sa panulat. Ako po ay mayroong taas na 5’5. Ang hanap kong kaibigan sa panulat ay mula edad 25 anyos hanggang 35 taon, mabait, mapagmahal at maunawain.
Sa ngayon, ako ay nagtuturo na ng general building construction basic engineering dito sa piitan. Ito na ang tangi kong napaglilibangan para mayroon akong mapagpalipasan ng buong araw.
Dr. Love, nangangamba po ako sa sandali ng aking pagsisimula ay katakutan o kamuhian ng mga nagawan ko ng kasalanan. Kaya gusto ko magkaroon ng mga kaibigan para maging inspirasyon at gabay sa pagbabagong-buhay.
Palagay po ninyo, kilalanin pa kaya ako ng aking mga anak? Payuhan mo po ako. Maraming salamat at mabuhay po kayo sa misyon ninyo sa buhay na paligayahin ang tulad kong bilanggo.
Lubos na gumagalang,
Ricky Hijada
Medium Security Compound
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ricky,
Lahat ay may pagkakataong magbago at kung ito ay tapat at sinsero, lahat ng pagkakamali ay may kapatawaran. Kaya hindi pa huli ang lahat para magampanan mo ang obligasyon bilang ama ng iyong mga anak. Pagbutihin mo ang mga repormang natutuhan mo diyan sa kulungan at hangad ng pitak na ito ang iyong ganap na pagbabago.
Dr. Love