Dear Dr. Love,
Ako po ay isang retirado nang empleyado ng gobyerno at gayundin ang aking mister. Sa aming pensiyon na nanggagaling ang aming panggastos maging ang pagmimintena ng gamot para sa alta presyon at diabetes.
Noong maganda pa ang aming kabuhayan, nakapagbibigay pa kami ng tulong para sa pag-aaral ng aming mga apo at nakikita kong masuyo ang aking manugang. Pero nagkaroon ng pagbabago nang nasa bahay na lang kami. Hindi na rin siya nagpupunta sa bahay tuwing Linggo na nakagawian namin na pagsasalo-salo.
Minsang nadulas ang aking apo sa panganay na anak, na laging nag-aaway ang kanilang papa at mama. Tinanong ko ang aking anak tung kol dito pero sinabi niyang selosa raw ang kaniyang asawa at wala siyang atraso sa pamilya.
Dahil dito minabuti kong kausapin ang aking manugang pero nauwi sa pagsama ng aking loob dahil pinagtaasan niya ako ng boses at sinabing kinukunsinte ko ang aking anak. Hindi ko akalain na ang magandang intensiyon kong pagsabihan sila ay mamasamain niya. Nasaktan ako nang husto. Mula noon hindi ko na gustong makita pa ang manugang kong ito.
Pinagsabihan ko rin ang aking anak na mag pakatino dahil pati ako ay hindi na nirerespeto ng kanyang asawa. Ipinangako ko sa sarili na hindi na ako manghihimasok sa away ng aking anak at manugang. May basehan ba ang aking hinanakit sa manugang o baka naging maramdamin na lang ako dahil sa dala ito ng pagkakaedad ko na?
Maraming salamat Dr. Love at sana mabigyan mo ako ng tamang payo.
Ang iyong tagahanga,
Mercedes
Dear Aling Mercedes,
Huwag mong bigyan ng sama ng loob ang iyong sarili, hindi ito makakatulong sa iyong katawan. Ang mahabang pang-unawa mo sa iyong anak ay banatin mo pa para sa iyong manugang.
Marahil dala lang ng sama ng loob sa mga nangyayari sa relasyon nilang mag-asawa kung kaya iritable ang iyong manugang. Huwag kang patangay sa maling emosyon, sa halip pairalin mo ang pagiging magulang sa iyong lumalaking pamilya.
Kapag nagkaayos na ang manugang mo at anak, magkakaayos din kayong magbiyenan. Dalangin ko ang higit na katatagan mo bilang magulang at gabay ng iyong mga anak sa buhay-pagpapamilya. God bless you.
Dr. Love