Dear Dr. Love,
Ang problemang gusto ko pong ihingi ng payo sa inyo ay tungkol sa nakikita kong panggagaya ng aking mga anak sa nakikita nilang gawi ng kanilang lola, na aking biyenan.
Nakikitira po kami ng aking asawa sa bahay ng kanyang magulang dahil hindi kayang mapagkasya ang kinikita ko sa restaurant bilang isang waitress para sa lahat naming pangangailangan.
Okey po sana Dr. Love dahil ang biyenan ko ang nagmagandang loob na patirahin kami sa bahay niya at mangalaga sa aking dalawang anak habang ako ay nagtatrabaho at ang mister ko naman ay nag-aaral magmaneho para kahit paano ay maka-extra sa pamamasada ng dyip.
Pero isang araw dinatnan ko ang aking 5 taong gulang na anak na inaaway ang kanyang kapatid na 3 taon at minumura. Inaawat naman ng aking biyenan ang mga apo niya pero habang paulit-ulit din na nagmumura.
Nang humupa ang sitwasyon ay saka ko tinawag sa kuwarto ang aking panganay at inusisa kung bakit inaaway at minumura niya ang kanyang kapatid. Ang tanong po niya sa akin ay bakit ang lola niya, nagmumura ay hindi ko pinagagalitan.
Napag-alaman ko po na parehong problema rin ang kinaharap ng aking hipag noong nakatira pa silang mag-iina sa bahay ng aking biyenan. Dahil magagalitin daw po talaga ang kanilang ina. Ganito rin ang sabi ng aking mister pero mabait naman daw ang nanay nila.
Iminungkahi ko po sa aking asawa na lumipat kami sa bahay ng aking ina. Bukas kamay naman kaming tatanggapin ng aking ina pero gusto ng nanay ko ay pumayag ang asawa ko. Hindi raw niya nais na maging ugat ito ng misunderstanding naming mag-asawa. Ano po ang dapat kong gawin?
Maraming salamat at hintay ko po ang mahalaga ninyong payo.
Gumagalang,
Nini
Dear Nini,
Wala akong nakikitang masama sa intensiyon mo na lumipat kayo sa bahay ng iyong ina, dahil una isinasaalang-alang mo ang nagiging kondisyon ng iyong biyenan, na nagiging magagalitin at pangalawa ang inyo namang dalawang anak na nakaka-adopt sa nakikita nilang asal ng kanilang lola, na maaaring dulot din ng pagod. Kaya naniniwala ako na kung masasabi mo ng maayos ang tungkol dito sa iyong asawa ay maiintindihan ka niya.
Sa sandaling makapagpasya na kayo, mas makabubuti na sabay ninyong kausapin ang lola ng inyong mga anak at sabihing inaalala ninyo siya dahil sa madalas na pagiging magagalitin at marahil dulot ng pagod ay minabuti ninyo na iwanan naman sa iyong ina ang mga bata.
Dr. Love