Manyakis na amo
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Tawagin mo na lang akong Ising 25-anyos na mula Cebu pero nagtatrabaho sa Manila bilang katulong.
May asawa ako at isang anak sa Cebu pero mahirap lang kasi kami kaya namamasukan ako dito sa Maynila. Mayaman ang amo kong lalaki at sinusuwelduhan ako ng P5,000 kada buwan.
Limang buwan na akong nagtatrabaho rito. Ang asawa ng amo ko ay paralitika at may nag-aalagang nurse.
Nagulat ako minsan nang habang naglilinis ako ng cr, pumasok siya at kahit naroon ako ay umihi siya. Hindi ko alam agad ang gagawin ko. Tumalikod na lang ako dahil ang inidoro ay malapit sa pintuan at hindi ako makalabas.
Madalas ay palakad-lakad siya sa bahay na naka-briefs lang at makahulugan ang titig sa akin. Natatakot ako Dr. Love. Gusto kong lumayas pero saan naman ako makakakita ng suweldong P5,000 wala naman akong pinag-aralan. Elementary graduate lang ako.
Ano ang gagawin ko?
Ising
Dear Ising,
Hindi mo dapat isakripisyo ang sarili dahil lang sa suweldo. Umalis ka na lang diyan, magpaalam ka ng maayos at humanap ng ibang mapapasukan kahit hindi kalakihan ang sahod. Kung tutuusin, basta’t masipag ka lang ay puwede kang magnegosyo kahit maliit sa inyong probinsya. Magtayo ka ng maliit na tindahan o magluto ka ng fishball, barbecue o ano mang meryenda. Hindi naman kailangan ang malaki na puhunan. Magsimula ka sa maliit at paikutin mo ang puhunan para lumaki.
Dr. Love
- Latest
- Trending