Dear Dr. Love,
Tanggapin po ninyo ang aking mainit na pagbati at pangungumusta ko.
Lumiham po ako dahil sa nabasa ko ang liham ng isang tagahanga ninyo mula sa piitan, si RJ. Gusto ko po linawin ang sinabi niya na iniwan ko siya at tinalikuran ang aming sumpaan nang makulong siya sa salang pagpaslang.
Ang totoo po, Dr. Love bago pa siya makulong noon nagkalas na kami dahil nakita kong wala na akong magagawa para mapagbago siya. Binalikan niya ang dati niyang mga ka-gangster. Nawalan ng saysay ang lahat ng pagsisikap ko para sa kanya.
Binalewala niya ang pagbibingi-bingihan ko sa aking magulang nang malaman ang tungkol sa relasyon namin. Pati ang pagsisikap ko na mailayo siya sa masamang bisyo ay nawalan ng halaga. Natutuwa nga po noon ang parents niya at nagpapasalamat sa nakikita nilang pag-akay ko kay RJ sa mabuting landas.
Siguro naman po, hindi na niya ako masisisi sa nangyari. Sana ma-realize ni RJ ang lahat. Isang taon na kaming nagkahiwalay nang maganap ang rambulan at mapatay niya ang isa doon, na dahilan ng kanyang pagkakakulong.
Masakit po para sa akin na malaman ang kalagayan niya ngayon pero ipinapanalangin ko pa rin na mapabuti siya at tuluyang magbagong buhay. Mananatili pa rin po ako bilang isang kaibigan niya kahit pa kasal na sa iba.
Salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Celia
Dear Celia,
Maraming salamat din sa liham mo at nawa ay makarating ang iyong mensahe para sa ex-boyfriend. Hihilingin ko lang sa iyo na huwag kang magsawang ipanalangin ang dating karelasyon dahil alam nating lahat ang magagawa nito sa buhay natin.
Hangad ng pitak na ito ang tuluy-tuloy na kaligayahan mo sa panibagong bahagi ng iyong buhay.
Dr. Love