Dear Dr. Love,
Gusto ko po ihingi ng payo sa inyo ang tungkol sa isang kaibigan, na itinuring soulmates na nauwi sa pagiging sweethearts pero nagtapos sa paghihiwalay. At kung kailan natagpuan ko na ang totoong pag-ibig sa iba at nakatakda nang magpatali ay siya namang pagbabalik ng aking first love. Ayaw ko po magkaroon ng pagsisisi sa aking desisyon.
High school pa lang ay malapit na kaming magkaibigan ni Fernando, na-develop ito at nagpasiya kaming maging mag-on noong kami ay college na. Pero naramdaman ko ang unti-unti niyang panlalamig sa aming relasyon. Hanggang sa i-open niyang maging magkaibigan na lang uli kami.
May nakilala na kasi siyang mas mahal niya kaysa sa akin at inalok ng kasal. Isang taon ko po iniyakan ang tungkol dito. Kahit mahirap para sa akin na tanggapin ang lahat dahil first love ko siya ay pinilit ko na makapag-move on.
Hanggang sa makilala ko si Zaldy, na nagparamdam sa akin ng tunay na pagmamahal. Inalok na niya ako ng kasal at nakapagdesisyon na akong maging katuwang niya habang buhay.
Ang problema ko po, nagugulo ang isip ko dahil humihingi ng tawad at isa pang pagkakataon si Fernando. Sinabi rin niyang pakakasalan niya ako. Ano po ang gagawin ko?
Natitiyak kong may nararamdaman pa ako kay Fernando pero unfair ito kay Zaldy na nagbigay ng pagpapahalaga sa akin. Ipinagtapat ko po kay Zaldy ang tungkol dito at sinabi niyang hindi niya ipinipilit na pahalagahan ang pangako ko sa kanya. Ipinauubaya niya sa akin ang pagpapasya.
Para sa akin po, hindi ko maipagpapalit ang nobyo ko sa lalaking nang-iwan sa akin. Pero hindi ko po natitiyak kung tama ang desisyon ko. Ayaw ko po magkamali at may pagsisihan sa huli. Salamat po at pagpalain kayo ng Panginoon sa matiyaga ninyong pagbibigay pansin sa tulad kong mayroong problema.
Sincerely yours,
Dahlia
Dear Dahlia,
Ikaw lamang at ang iyong tunay na nararamdaman ang makapagtuturo sa iyo kung ano ang dapat na maging pasya. Tiyakin mo sa iyong sarili kung sino ang tunay na mahal mo at nakahanda kang makasama sa buong buhay mo.
Hingin mo rin ang patnubay ng Maykapal para mabigyan ka ng sapat na gabay sa pagdedesisyon. Kasama mo ako sa panalangin para sa kaligayahan at kapanatagan sa lalaking makakasama mo hanggang sa pagtanda. God bless you!
Dr. Love