Hindi matanggap ang hipag

Dear Dr. Love,

Isang masaganang pangungumusta sa paborito kong kolumnista. Ako po ay matandang dalaga mula sa isang bayan ng Ba­tangas. Ang problema ko ay hindi tungkol sa akin kundi sa lovelife ng aking kapatid.

Lampas nang 45 anyos si Doming nang  makaisip maghanap ng asawa. Nang lumuwas siya pa-Maynila para maghanap ng trabaho ay doon na rin siya nakahanap ng asawa­. Ang problema po, ang babaeng napili niya ay may tatlo nang anak at ang tanging kanya lamang ay ang kasalukuyang pinagbubuntis ni Anna.

Hindi po ako magpapaka-ipokrita, mahal ko ang mga kapatid ko. Kami po ay wala nang mga magulang kaya kami-kami na lamang magkakapatid ang nagmamalasakitan sa isa’t isa. Hindi ko po matanggap na maging hipag ang ngayo’y kinakasama ng aking kapatid.

Inaalala ko po ang mga darating na panahon sa kanyang buhay. Dahil nagmimistulang ipinapaako lamang ng babaeng kinakasama niya ang pagtataguyod sa pangangailangan ng kanyang mga anak sa aking kapatid.

Pagpayuhan po ninyo ako dahil iniisip ko na naargrabyado ang kapatid ko sa kala­gayan niya ngayon. Bihira na siyang umuwi sa aming­ bayan dahil sa kanyang asawa.

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy ninyong pagtatagumpay sa inyong larangan­.

Gumagalang,

Arsenia

 

Dear Arsenia,

Huwag mong masyadong panghimasukan ang buhay ng kapatid mo. Kung nakikita mo namang maligaya siya sa bagong buhay niya, huwag mo itong ipagkait sa kanya.

Kahit na hindi sila kasal, kahit na ang babae ay hiwalay sa asawa at mayroong mga anak, huwag mong panaigin ang hindi magandang kaisipan sa kanya. Ang mahalaga, nagkakasundo silang mag-asawa at maayos ang pagsasama nila. Malaking tulong ang maipagdasal mo lagi ang iyong kapatid para manatili siyang masaya sa buhay niya.

Dr. Love

Show comments