May ibang pamilya ang ama
Dear Dr. Love,
Good Day Dr. Love.
Itago ninyo na lang po ako sa ngalang Michael. Gusto ko lamang hingan ng payo ang sitwasyon ng aming pamilya. Ang tatay ko po ay may asawa at anak sa ibang bansa. Kailan lang naming nalaman ito. Masakit po sa akin dahil niloko niya ang aking ina, gayun din kaming magkakapatid.
Isa pa nagtrabaho ako sa ibang bansa sa pag-aakalang hindi niya kayang magpatayo ng bagong bahay para sa amin, ‘yun pala may iba pa siyang pinaglalaanan. Galit at pagkamuhi po ang naramdaman ko para sa tatay ko ngayon. Hindi ko alam kung sa muling pagkikita namin sa Marso ay magagawa ko pa siyang respetuhin muli dahil sa kanyang kasalanan.
Kaming orihinal na pamilya niya ay sabik sa pagmamahal ng isang ama, ngunit ang pananabik palang ito’y magiging isang sampal sa amin nang malaman na may pamilya siyang iba.
Maraming salamat po.
Michael
Dear Michael,
Nauunawaan ko ang iyong damdamin. Pero tao lang ang ama mo na nagkakasala. Mahirap mang gawin, dapat mo siyang patawarin at unawain. Kung ang Diyos ay nakapagpapatawad, tayo pa kaya na tao lang?
Nangyari na iyan at hindi na puwedeng i-rewind na tulad ng pelikula ang buhay ninyo para mabago ang sitwasyon. Ipagdasal mo na lamang ang iyong ama at tungkol sa iyong mga kapatid sa labas, isipin mo na lang na hindi sila nagkasala sa inyo kaya huwag mo silang tatalikuran bilang kapatid.
Dr. Love
- Latest
- Trending