Marriage proposal

Dear Dr. Love,

Gusto ko po ihingi ng payo ang tungkol sa pagdadalawang-isip ko na tanggapin ang marriage proposal ng isang dayuhan na nakilala ko sa website.

Sa madalas na pag-uusap thru internet ay nagkapalagayan kami ng loob ni Michael. Magkasundo kami sa maraming bagay at gaya ko teacher din siya sa high school. Nagkita na kami ng personal nang magpunta siya sa amin at sa pagkikitang ‘yun, ganon pa rin ang damdamin ko para sa kanya. Kaya sinagot ko na siya at nakipagrelasyon ako sa kanya.

Ipinakilala ko na siya sa aking mga magulang. Bagaman nakagaanan nila ng loob si Michael, ang pintas naman nila ay ang malaking agwat ng aming­ edad. Nasa 27 anyos po ako ngayon habang siya naman ay 40 years old at binata.

Hindi kumbinsido ang aking pamilya na binata si Michael. Dahil kung pihikan daw ito bakit mas bata ang gusto niyang mapangasawa at hindi malapit sa kanyang edad. Baka raw dumating ang panahon na taga-akay na lang niya ako. Pagsampa ko raw kasi sa 40 ay 60 years old na ang nobyo ko.

Nagkaroon tuloy ako ng agam-agam kung tatanggapin ang alok na kasal ni Michael. Kung nais ko raw ay dito na sa Pilipinas idaos ang kasal. Pero mahal ko siya at alam kong liligaya ako sa kanyang piling. Kaya nga lang nagdadalawang-isip ako dahil sa age gap namin. Payuhan mo po ako Dr. Love.

Maraming salamat at hihintayin ko ang inyong kasagutan.

Your ardent fan,

Tricia

Dear Tricia,

Hindi mo nabanggit kung gaano katagal na kayong magkarelasyon ni Michael. At ang ta­nging basehan mo lang ng damdamin mo sa kanya ay ang inyong pag-uusap sa internet at ang minsan niyang pagbisita sa inyong bahay, masyado pang premature ang pundasyong ito. Bakit ko nasabi ito, kahit pa nararamdaman mo na mahal mo siya at liligaya ka sa kanya…nagdalawang-isip ka pa rin na tanggapin ang marriage­ proposal niya. Ibig sabihin lang nito, hindi kayang­ i-surpass ng sinasabi mong pagma­mahal at ipinapalagay na kaligayahan kay Michael­, ang ma­laking pagkakaiba ninyo sa edad.

Take your time to know him more, Tricia para ikaw mismo sa sarili mo ang makatiyak na siya na ang gusto mo makasama habang buhay.

Dr. Love

Show comments