Dear Dr. Love,
Naniniwala po ako na sa inyo ako maaaring magsabi ng aking suliranin dahil may angkop kayong payo para dito.
Masaya naman sa mga nagdaang panahon ang aming marriage life ng aking asawa. May anak po kami. Ang hindi ko po maintindihan ay biglang naging isyu ang aming family background.
Alam po ng aking asawa na galing ako sa broken home at pareho nang may kani-kaniyang pamilya ang aking mga magulang. Walang ano mang pangamba kaugnay dito. Pero kung kailan kami nagkaanak ay naging seloso siya at parang walang tiwala sa akin.
Hinihigpitan niya ako sa social gathering kahit pa ito ay kaugnay sa office activities namin.
Nalaman ko na tumindi ang kanyang agam-agam sa aming buhay mag-asawa dahil ang balo niyang ina ay pumatol sa isang lalaki na kalahati ng kanyang edad at ito ay ang kanyang driver.
Pilit kong tinitiyak sa kanya na hindi kami matutulad sa aking mga magulang at ang aking prayoridad ay ang katatagan ng aming pamilya. Pero lalo niya akong hinigpitan. Nasasakal na po ako sa ganitong inaasal ng aking asawa.
Payuhan mo po ako dahil hindi ko gustong maging mabuway ang aming pagsasama. Mahal ko ang aking asawa at anak.
Maraming salamat po at itago mo na lang ako sa pangalang Anita.
Gumagalang,
Anita
Dear Anita,
Gayong tukoy po ang dahilan ng pagbabago sa pagsasama ninyo ng iyong asawa, subukan mong gumawa ng mga hakbang na magpapanumbalik sa kanya ng assurance kaugnay sa iyong katapatan bilang kanyang kabiyak.
Ipakita at ipadama mo ito sa kanya nang consistent. Dahil malaking tulong ito para maging panatag siya sa inyong pagsasama.
Alam kong magagawa mo ito dahil mahalaga sa iyo ang katatagan ng inyong pamilya. God bless you and your family.
Dr. Love