Dear Dr. Love,
Kumusta ka na? Sana ay nasa mabuti kang kalusugan at katayuan sa pagtanggap ng aba kong liham. Sana’y paunlakan mong mailathala ang aking sulat na humihingi ng iyong ginintuang payo.
Tawagin mo na lang akong Mrs. Brown, 40 anyos at hiwalay sa Amerikano kong mister. May anak ako sa kanya na ngayo’y 12 anyos na.
Nag-asawa ako muli ng isang Pinoy at nagkaanak din ako ng dalawa. Ang isa’y tatlong taong gulang at ‘yung isa’y limang taon.
Nagbago ang pagtingin ng asawa ko ngayon sa una kong anak na iba ang kulay. Madalas ay pinapalo niya ito. Isa kasi siyang itim. Nakikita ko ang hindi patas na pagtingin niya sa aming mga anak. Kahit ang anak ko’y nalulungkot sa pagtrato sa kanya ng aking asawa.
Nakakaugnay ko ang aking dating mister sa email at gusto niyang kunin ang aming anak para papag-aralin sa Amerika. Pero ayaw kong malayo ang anak ko sa akin. Ano ang gagawin ko?
Mrs. Brown
Dear Mrs. Brown,
Para na rin sa kapakanan ng iyong anak at pagka-preserba ng iyong relasyon sa kasalukuyang pamilya, mabuti marahil na ibigay mo na ang una mong anak sa una mong asawa.
Kung mananatili siya sa inyong poder, baka magkaroon siya ng psychological disorder dahil sa diskriminasyong nararanasan niya sa kanyang ama at malamang, sa kanyang mga kapatid pagdating ng araw.
Isipin mo na lang na kung nasa Amerika ang iyong anak, mas magandang kinabukasan ang mararanasan niya.
Dr. Love