Dear Dr. Love,
Isang masaganang pangungumusta. Nakakulong po ako ngayon pero hindi ko nalilimutan na basahin ang inyong column na kinapupulutan ko ng aral. Nais ko rin humingi ng payo kaugnay sa pagkakapatay ko sa kapatid sa ina nang datnang kasiping nito ang aking asawa.
Napaaga ako noon ng uwi kaysa sa karaniwan mula sa pamamasada ng taxi dahil sa ubo at sipon. Binalak ko pang surpresahin ang aking asawa dahil karaniwan na hating-gabi ang balik ko sa bahay. Pero alas-8 pa lang naroon na ako. Pero ako ang nagulat nang makita ko siya habang kasiping ang isang lalaki.
Nasa kasidhian ako ng galit nang pagsasaksakin ko ang lalaki, na huli na nang makilala ko na ang kapatid ko pala sa ina. Nadala pa siya sa ospital pero hindi na nabawi sa kamatayan. Lubhang ikinatakot naman ng aking asawa ang pangyayari kaya sa mental ito bumagsak.
Matagal na po ang pangyayaring ito at kung hindi mahahadlangan, maaaring makalaya na rin po ako sa pamamagitan ng parole. Pero wala na akong uuwian sa sandaling ito. Dahil gumaling man ang aking asawa, hindi ko na siya babalikan. Nasa kalinga siya ngayon ng kanyang mga magulang. Pumanaw naman ang aking ina dahil sa atake sa puso.
Sa pamamagitan po ng column na ito, nais kong payuhan ninyo ako. Matagal ko nang napagsisihan ang kasalanan ko. Sana po mapatawad na ako ng amain ko at isa niyang anak.
Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng pitak na ito.
Gumagalang,
Zandro
Dear Zandro,
Laging may katumbas na kapatawaran ang taos-pusong pagsisisi. Kung minsan, kailangan lamang ng sapat na panahon para ganap na mapaghilom ang hinanakit sa kalooban.
Ipagpatuloy mo ang pagpapabuti sa loob at gawin mo ang lahat ng posibleng paraan diyan para mapaunlad ang iyong sarili para may magamit ka sa sandaling makalaya na. Marami na ang nanggaling sa kulungan at natamo ang matuwid na buhay sa pamamagitan ng pagsisikap, determinasyon at pagtitiwala sa Diyos. Kaya natitiyak ko, magagawa mo rin ito.
Dr. Love