Dear Dr. Love,
Gusto ko po ihingi ng payo sa inyo ang problema ko sa aking life time partner. Walang kasing saya ang samahan namin noong mga unang taon matapos ikasal. Pero unti-unting nauupos na kandila ang pagtingin ko sa kanya dahil sa paulit-ulit na pandadaya niya sa aming relasyon.
Makailang ulit ko nang tinuturuan ang aking sarili na mabalik ang tiwala ko sa kanya. Pero hindi pa halos ako nakaka-move on may bagong kasinungalingan na naman siya. Hindi pala talaga biro ang pag-aasawa. Ang hirap ng pakiramdam na dinadaya ka ng pinagkakatiwalaan mo na makasama habang buhay.
Madalas gusto ko na lang tapusin na ang aming pagsasama para makakawala na rin ako sa sama ng loob. Naiisip ko tuloy ang sabi ng kapatid ko, kapag nagawa na sayo ng isang lalaki ang panloloko mas malamang na magpaulit-ulit na ito. Lalo na kung babae ang gumagawa ng paraan para magkaayos.
Sa ngayon wala pa kaming anak at pinag-iisipan ko po na makipaghiwalay na lang sa kanya kaysa maging miserable ang buog buhay ko sa panloloko niya. Tama po ba ang desisyon kong ito, Dr. Love? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Sunshine
Dear Sunshine,
Gaya ng madalas kong sabihin sa ating mga letter sender, hindi ko pinapaboran ang paghihiwalay ng mag-asawa. Dahil ayon nga sa ating banal na kasulatan, walang sino man ang mapaghihiwalay ng pinagbuklod ng Diyos.
Subukan n’yong buksan ang kamunikasyon sa pagitan ninyong mag-asawa. Sabihin mo sa kanya ang lahat ng iyong mga pangamba sa inyong relasyon at hingin ang kanyang panig kung paano maibabalik ang assurance mo bilang kanyang kabiyak sa buhay. Ikonsidera mo rin ang pagbibigay ng isa pang pagkakataon sa iyong mister at umasa na maitatama niya nang ganap ang mga pagkakamaling nagawa sa inyong pagsasama.
Lagi mo rin siyang ipagdasal para bahala ang Diyos na kumalabit sa kanya sa sandali nasa paligid na naman niya ang temtasyon. Kasama mo ako sa iyong panalangin. May the Almighty God will give you strength to overcome all the trials in regards to your marriage life. God bless you!
Dr. Love