Dear Dr. Love,
Ulila na po akong lubos at lumaki sa aking mga grandparents. Naitaguyod ng aking mga grand parents ang aking pag-aaral hanggang makatapos ako ng komersiyo sa kolehiyo.
Ngayong mayroon na akong trabaho, tumutulong ako sa gastos sa bahay ng matatanda ko nang lolo at lola. Ang mahirap nga lang, mayroon pang dalawang anak ang lolo at lola ko na matatandang binata na kapwa walang empleyo.
Hindi naman masyadong malaki ang sahod ko pero sa pagtitipid, nakakaraos din kahit marami akong ginagastusang mga kamag-anak kasama na ang sigarilyo at alak ng dalawa kong amain.
Matagal ko na po gustong maghanap ng sarili kong apartment kahit maliit at ang plano ko sana magparenta ng kahit isang kuwarto sa iba kong kasamahan sa trabaho para mapalapit ako sa pabrikang pinagtatrabahuhan ko.
Pero naghinanakit ang aking grandparents. Ngayon daw mayroon na akong pakpak at puwede nang makalipad, iiwan ko sila.
Nagkanobyo po ako at tatlong taon na kaming magkarelasyon. Gusto na niyang magpakasal pero hindi ko pa matanggap ang kanyang marriage proposal dahil nga sa obligasyon ko sa mga nagpalaki sa akin.
Minsan, isinama ko siya sa tahanan ng aking lola para makita niya ang sitwasyon at huwag niya akong apurahin sa kasal. Pero nang makita niya ang dalawa kong amain na nag-iinuman at hiningan pa ako ng pang-toma nila, parang naasiwa ang nobyo ko.
Ang lola ko naman kung kailan pa na mayroon akong bisita saka pa nagpagunita ng pagbabayad ng tubig at kuryente. Sa isip ko, sinadya nila ito para takutin ang nobyo ko. Hindi nga sila nagkamali, natakot nga siya sa obligasyon ko at unti-unti nang nanghinawa sa akin.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Ngayon po, 35 anyos na ako at wala na sa kalendaryo ang edad ko. Kung mag-aasawa rin lang ako nais kong magkaroon ng anak. Dapat ko na bang ipagpatuloy ang plano ko noon na bumukod?
Marahil po sapat na naman ang naitulong ko sa aking mga grandparents. Wala akong intensiyon na itigil na ang kanilang sustento mula sa akin.
Hindi ko pinanghihinayangan ang paglayo ng kasintahan pero marahil naman panahon na para harapin ko naman ang para sa sarili kong kapakanan. Payuhan mo po ako.
Gumagalang,
Leila
Dear Leila,
Kausapin mong mabuti ang lola mo at ipaliwanag na nais mong lumipat ng tirahan para makatipid ka sa gastos ng pamasahe dahil mas malapit ito sa pinapasukan mo. Ipangako mo na hindi naman mawawala ang tulong na ibinibigay mo sa kanila kung aalis ka. Para lang ito sa pangsarili mong kaligtasan kung ginagabi ka sa overtime.
Obligasyon mong kilalanin ang kagandahang loob ng mga nagpalaki sa iyo at nagpaaral sa iyo. Pero hindi naman ibig sabihin nito na sasakupin mo ng sustento ang dalawang matatandang binatang anak ng lola mo na hindi humahanap ng trabaho.
Mabuti rin at nakilala mo ang kulay ng dati mong boyfriend. Kung tunay ka niyang mahal, hindi ka niya lalayuan. Pero marahil hindi niya gusto na matali sa iyong obligasyon. May karapatan din siyang humanap ng iba na walang maraming hinihilang kamag-anak.
Makakatagpo ka rin ng lalaking magpapaligaya sa iyo.
Dr. Love