Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo. Itago mo na lang ako sa pangalang Jordan, isang working student. Kumukuha ako ng IT at the same time, pumapasada ako ng pedicab.
Problema ko po ang magulang ng aking girlfriend na si Rossel. Tutol sila sa akin at binantaan akong ilalayo sa akin si Rossel kapag hindi ako nakipag-break sa kanya. Sabi nila, bata pa masyado ang kasintahan ko para makipag-relasyon.
Pero hindi ko matiis na malayo sa kanya. Sabi ni Rossel sa akin, gusto muna siyang makapagtapos ng kanyang mga magulang. Pero natatakot ako na baka kapag pansamantala kaming mag-break ay matuluyan.
Pagpayuhan mo ako Dr. Love.
Jordan
Dear Jordan,
Nangangamba lang siguro ang parents ni Rossel na baka hindi makatapos ang kanilang anak dahil sa pakikipagrelasyon sa iyo. Tama naman sila. Kung minsan, ang mga kabataan ay mapusok at nasisira ang pag-aaral at kinabukasan dahil sa wala sa panahong pag-ibig.
Kung mahal mo si Rossel, sige magkasundo kayong maglayo muna pero hindi nangangahulugan na break na kayo. Gawin n’yo lamang panatag ang damdamin ng kanyang mga magulang para matiwasay na makapagtapos ang anak. Bawat magulang ay hangad ang ikabubuti ng kanilang anak.
Dr. Love