Madilim na kahapon
Dear Dr. Love
Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Mimi, 20 years old. May boyfriend po ako mahigit 2 taon na po kami pero sa pagsasama po namin na ‘yun, ilang beses na po kaming naghiwalay pero nagkakabalikan naman po. Ako palagi ang gumagawa ng way para magkabalikan kami kapag kami ay naghihiwalay.
Ilang beses na rin po na nakuha niya ang aking pagkababae. Kahit na may madilim na nakaraan ako, na pinagsamantalahan noon ay tanggap pa rin po niya ako. Masaya naman po kami kapag magkasama. Alam ko na mahal niya rin ako. Kaya lang tuwing magkakasama kami palaging may nangyayari sa aming dalawa gusto ko po na siya na ang aking maging katuwang habang buhay.
Dr. Love, sa nakikita ko po sa kanya parang ok lang na mag-break kami. Minsan mababaw po ang dahilan niya kapag nakikipaghiwalay, minsan malalamin kasi po dati napakaselosa ko at laging galit kaya po siya nakikipaghiwalay dati. Ayusin ko raw po ang ugali ko.
Nawa’y mapayuhan n’yo po ako sa aking buhay pag-ibig. More power. God bless.
Mimi
Dear Mimi,
Hindi dahilan na isuko mo ang pagkababae mo sa iyong boyfriend dahil ikaw ay napagsamantalahan na noon. Siyempre, sino ba namang lalaki ang tatanggi kapag palay ang lumalapit.
Tawagin mo man akong konserbatibo, naniniwala ako na may mga moral values na hindi dapat matinag at mabago. Ang inyong “galit-bati” relations ay palatandaan na hindi matatag ang inyong relasyon.
Magkatuluyan man kayo ay baka manatiling ganyan ang inyong relasyon at hindi magiging maganda. Pero wika nga, hindi na puwedeng ibalik ang nakaraan kaya ayusin mo na lang ang buhay mo sa ngayon.
Pakasiyasatin mo rin ang boyfriend mo at baka nananatili lang siya sa iyo dahil napaliligaya mo siya. Tandaan mo Mimi, igagalang ka at pahahalagahan ng lalaki kung may pagpapahalaga ka rin at paggalang sa sarili.
Dr. Love
- Latest
- Trending