Dear Dr. Love,
Sana, hindi pa huli ang desisyon ko na mabuong muli ang aking pamilya na masyadong napabayaan ko nang maraming panahon dahil sa pagpapalago ng aming kabuhayan.
Inaamin ko, naging busy ako sa opisina kung kaya’t ang lahat ng bagay maging ang pagdidisisyon sa maseselang problemang pampamilya ay iniatang kong lahat sa aking asawa. Naging maunlad nga ang aking negosyo, nagkaroon kami ng maraming pera at nasunod ang gusto ng tatlo kong anak sa mga paaralan na gusto nilang pasukan, lugar na gustong pagbakasyunan at party na gustong daluhan.
Ang misis ko sa hindi ko malamang dahilan ay naging malayo na ang kalooban sa akin. Napabayaan ko rin siya at naiiwanan lang sa tahanan. Nang magsabi siya sa akin na nais niyang pumasok sa trabaho kahit sa opisina na mayroon akong kasosyo, hindi ko pinayagan.
Para kako hindi siya mabugnot sa bahay, maglibang siya, tawagan ang kanyang mga kaibigan at huwag na niya akong kalampagin pa sa mumunting mga bagay na makakadagdag sa aking problema. Pagkaraan ng matagal na panahon, nakakasakal din pala ang parang robot na trabaho, kaya’t sa panahong parang ang feeling ko, nag-iisa ako, napagbalingan ko ang aking sekretarya.
Huli na po nang malaman ko na pinadama lang niya ako at ang tanging gusto lamang ay pera. Saka ko naalala ang aking pamilya. Ang aking pagkukulang sa kanila. Pero parang hindi ko na kilala ang aking asawa, ang aking mga anak. Minsan, umuwi ako nang maaga, nadatnan ko ang bahay na gulong-gulo dahil mayroong party. Saka ko nagunita na kaarawan nga pala ng bunso ko.
Nag-iinuman, maiingay ang barkada ng aking anak. At sa dakong madilim ng aming garden, mayroon akong nakitang ilang kabataan na humihitit ng marijuana. Nang hanapin ko ang aking asawa, sinabi ng matagal na naming maid na nagbakasyon sa probinsiya, kasama ang aming dalawang anak na babae.
Ito ang nagbukas ng aking isipan para pagsisihan ang nagawa kong pagpapabaya sa aking mag-iina. Hindi lang pala pera ang kailangan para lumigaya ang asawa at anak. Kailangan din pala ang kalinga at atensiyon ng isang ama.
Dr. Love, hindi pa rin ganap na nanunumbalik ang normal na pamilyang pilit kong hinahanap sa ngayon. Ito ay sa kabila ng paghingi ko na ng patawad sa aking kabiyak sa mga pagkukulang ko.
Alam kong mauunawaan din ako ng misis ko at kailangan na lang ang kaunti pang panahon para manauli ang kanyang pagtitiwala sa akin. Pero masyadong nasaktan ang mga anak ko dahil noong panahong lumalaki pa lang sila, ipinagkait ko sa kanila ang atensiyon. Natimo sa murang isip nila na ang gabay ng isang ama noong kabataan pa sila ay hindi nila kailangan ngayong malalaki na sila.
Ayaw kong ganap na mawasak ang pamilya ko. Tulungan mo po akong makapagsimula uli. At paano ko ito gagawin?
Maraming salamat sa inyong atensiyon at more power to you.
Leonardo Fernan
Dear Leonardo,
Walang pinakamabuting gawin kundi ipadama mo sa iyong pamilya ang ganap na pagsisisi sa iyong pagkukulang. Hindi sapat ang paghingi ng tawad kung hindi mo naman binabago ang iyong gawi, na binibigyan mo ng prayoridad ang yaman kaysa damdamin ng iyong anak at asawa. Simulan mo ito sa muling sama-samang pagsimba sa araw ng Linggo, sama-samang pagkain sa hapag kundi man sa pananghalian at sa hapunan sa araw na walang pasok. Magkaroon din kayo ng sama-samang pagbabakasyon para magkaroon uli ng family bonding.
Hindi madaling gawin ito ngayong malalaki na ang mga anak mo pero kung kayong mag-asawa ang siyang magpapakita uli ng ganap na pagkakaunawaan, unti-unting manunumbalik ang tiwala ng mga anak mo. Tama ka, hindi pera lang ang kailangan para sa katatagan ng pamilya. Dahil higit sa lahat ng pangangailangan nito ay ang pagmamahal at seguridad na hindi sila nag-iisa.
Dr. Love