Wala nang pananagutan
Dear Dr. Love,
Isa po akong matanda nang ina, isang balo at dahil mayroon akong karamdaman, sa aking anak na lang ako umaasa ng aking pagpapagamot. Pero hindi po ito ang isyu. Ang damdam ko, wala na akong silbi sa mundong ito. Dahil wala na akong kakayahan, hindi ako pinakikinggan ng aking anak na babae. Kasi nasa kanyang poder ako at siya ang sumusustento sa akin.
Hiwalay po sa kanyang asawa ang anak kong ito, mayroon siyang dalawang anak at mayroon naman siyang magandang hanap-buhay.
Noong makipaghiwalay siya sa kanyang asawa, tutol ako. Pinayuhan ko siyang makipag-areglo sa kanyang asawa na isang babaero. Pero hindi po ito nangyari dahil ang kanyang asawa ay hindi na nakipagkasundo sa kanya at nakipag-live in sa iba.
Hindi ko alam kung ano talaga ang pinag-awayan nila, matangi sa pambababae ng lalaki. Nalantad na lang sa akin ang katotohanan na mayroong panibagong isyung pumasok sa gusot. Ito ay ang pagpasok sa eksena ng isang tomboy o lesbian sa buhay ng anak ko. Sinabi sa akin ng aking anak na sa bahay na titira si Maxie at sila na ang magsasama bilang live-in partner.
Isa po akong saradong Katoliko at tutol ako sa ganitong relasyon. Pero wala po akong magawa. Hindi na ako pinakikinggan ng aking anak. Kasalanan ko pa po ba ito? Masakit sa loob ko ang mga pangyayari. Hindi po ba masamang ehemplo ito sa aking dalawang apo?
Payuhan mo po ako. Dumadalangin na lang po ako sa Panginoon na magliwanag ang nadirimlang pag-iisip ng anak ko. Nag-iisa ko lang siyang anak. Wala akong alam na kasalanan ko kung bakit ang palagay ko sa sarili, hindi ako naging mabuting ina dahil naligaw ng landas ang anak ko.
Maraming salamat sa pagbibigay pansin mo sa liham kong ito. Ipinauubaya ko na lang sa Langit ang kanyang kapalaran.
Naguguluhang ina,
Aling Clara
Dear Aling Clara,
Sa aking paningin, hindi ka nagkulang bilang isang ina. Pinalaki mo ang iyong anak na babae nang naaayon sa mabuting panuntunan. Pero nang mag-asawa na ang iyong anak at nagkaroon na siya ng sariling pamilya, ang desisyon nilang mag-asawa ay kanila at kung ikaw man ay nagbibigay ng payo sa kanila. Ginampanan mo ang tungkulin mo bilang magulang. Pero ang pagsunod sa payo mo ay nasa kanilang sariling pagtanggap.
Desisyon nila ang maghiwalay, hindi man ito naaayon sa iyong kagustuhan, buhay nila ito. Iyan ang masakit para sa isang magulang. Kapag nagsilaki na ang mga anak, may sarili na silang paninindigan.
Wala ka nang pananagutan sa Diyos kung tama man o mali ang pagpatol ng iyong anak sa isang lesbian. Buhay niya iyan at diyan siya naniniwalang maligaya siya. Gaya nga ng sinabi mo, mga anak ang apektado dito.
Alisin mo ang guilty feeling na bigo ka bilang isang ina. Idalangin na lang natin na magliwanag din ang isip ng iyong anak at siya ang kusang makakita ng kamalian niya.
Dr. Love
- Latest
- Trending