Dear Dr. Love,
Sumulat ako sa iyo para tanungin ka sa naging desisyon ko. Na ako ay hindi na iibig muli matapos magtaksil sa akin ang una kong boyfriend.
Tawagin mo na lang akong Ysel, 25 anyos. Tatlong taon kaming magkasintahan ni Nilo at buong akala ko at maging ng aking mga kaanak ay kami na nga.
Pati magulang niya’t magulang ko ay magkakilala na. Pero ‘di ko sukat akalain na magtataksil sa akin si Nilo. Nagpunta siya sa Amerika. Sabi niya ay magtatrabaho lang siya roon para sa aming kinabukasan. Naniwala ako.
Pero wala pang isang taon ay nabalitaan kong nag-asawa na siya ng isang biyudang American citizen. Para akong pinagtakluban ng langit at lupa. Hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakapag-move on. Sumumpa akong hindi na iibig muli. Tama ba ito Dr. Love? May masugid kasi akong manliligaw at may nadarama akong love sa kanya.
Ysel
Dear Ysel,
Tanong mo, sagutin mo. Sabi mo may damdamin ka sa manliligaw mo pero isinumpa mo sa sarili na huwag nang umibig muli. Kung matutupad mo ang pangako sa sarili eh ‘di mabuti.
Pero kung mabigat sa iyong gawin ‘yon dahil may manliligaw kang nagugustuhan mo, walang masama kung umibig ka’ng muli.
Isa pa, may karapatan kang humanap ng bagong kaligayahan. Sabi nga mas mabuti ang umibig at mabigo kaysa hindi na umibig pa.
Dr. Love