Natutukso sa biyudo

Dear Dr. Love,

Dalangin ko na magiging masagana at pa­yapa­ ang pagpasok ng 2012 sa iyo at sa iyong pamilya. Tawagin mo na lang akong Vilma­, isang saleslady sa isang kilalang department store.

Ako ang nagtataguyod sa mga kapatid ko. Dalawa sila at parehong nag-aaral pa. Isang high school at isang college.

Ulila na kasi kaming lubos. Napipilitan akong mag-overtime para mairaos ko ang pang-araw-araw naming pangangailangan pati na ang kani­lang tuition.

May boyfriend ako pero kapareho ko rin siyang mahirap. May nanliligaw sa akin na biyudo at mayaman. Hindi ko siya gusto pero natutukso akong tanggapin na siya. Nangako siyang tutulungan ako sa pagpapaaral ng mga kapatid ko.

Tama ba ang gagawin ko na tanggapin siya?

Vilma

Dear Vilma,

Kung gagawin mo iyan, malaking sakri­pisyo ito. Kung pagbabatayan ang moral standard, hindi tama. Mali na mag-asawa ang isang tao nang walang namamagitang pag-ibig.

Puwede siguro kung pagdating ng araw ay matutuhan mo siyang ibigin. Pero kung hindi mangyayari ito, habambuhay na pagsisisi ang mangyayari sa iyo.

Kaya pag-isipan mong mabuti ang iyong gagawin.

Dr. Love

Show comments