Napag-aaralan din ang pagmahahal

Dear Dr. Love,

Isa po akong ofw sa Saudi Arabia at nalalapit na ang aking pag-uwi sa bansa sa sandaling matapos ko na ang aking kontrata. Plano ko na huwag nang bumalik at magtayo na lang ng negosyo sa Pilipinas kasama ang aking asawa.

Nagpapasalamat po ako ng malaki sa pagkaka­taon na nakapag-abroad ako dahil marahil kung hindi dito ay hindi ko na-realize kung gaano ko kamahal at kaimportante sa buhay ko si Mona.

Aminado po ako na noong una ay napilitan lang akong makisama sa kanya dahil buntis na siya at isa pa boto sa kanya ang aking ina. Hindi ko rin po mawari noon kung bakit sa kabila ng pagsagot sa akin ni Mona ay may hinahanap pa ako. Katunayan may nilili­gawan po ako na ibang babae nang mga panahon iyon.

Malapit na siyang magsilang nang umalis ako noon. Nang iluwal na niya ang aming panganay hanggang sa makaisang taon na ang baby namin, wala ako. Pero parang hindi ako umalis dahil dokumentado lahat ang paglaki ng bata at lagi akong sinusulatan ni Mona. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal. Kaya ang akala kong madali ko siyang malilimutan pero hindi ko ito nagawa. Katunayan na-miss ko siya.

Nang umuwi ako, pagdating ko pa lang, naramdaman ko ang lukso ng dugo ng isang ama. Kahit hindi ako nakikita sa personal ng anak ko, kilala niya ako dahil lagi palang ipinakikita ni Mona ang aking picture sa aming anak. Lalong lumaki ang paghanga ko sa aking asawa nang malaman ko na ang lahat nang ipinadala kong pera ay inipon niya at ang ginagamit niya sa panga­­ngailangan nilang mag-ina ay ang kinikita niya sa pagbu-beautician. Mahal na mahal din siya ng aking pamilya. Dahil parang tunay na magulang at kapatid ang turing niya sa aking pamilya. Kaya naman hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Pinakasalan ko siya.

Ipinangako ko sa sarili at maging kay Mona na hin­ding­-hindi ko siya ipagpapalit sa iba, silang mag-ina dahil mahal na mahal ko sila. Sa pagbabalik ko sa taong ito, magiging dalawa na ang aming supling. Nais kong ka­­piling ako ni Mona sa pagluluwal niya ng sanggol. Gusto kong kahati ako ni Mona sa paghihirap niya sa pagsisilang ng aming ikalawang anak. Dahil mahal ko siya.

Maraming salamat po at more power.

Gumagalang,

Leodivico

Dear Leodivico,

Salamat sa liham mo at sa magandang kasay­sayan na iyong ibinahagi sa amin. Tunay na may pagkakataon na matututunan nating mahalin ang isang nilalang na tapat sa kanyang pag-ibig para sa atin. Lalo na kung kabilang sa magbibigkis sa inyong dalawa ay ang inyong mga anak.

Natitiyak ko na gaya ng iba pang mga kalalakihan na nagdadalawang loob sa pagkilala ng kanilang damdamin dahil dumaranas ng excitement sa piling ng iba pang babae, nawa’y natutunan din nila ang ha­laga ng matrimonyo gaya mo.

Mapalad ka sa pag-ibig ni Mona.

Dr. Love

Show comments