Dear Dr. Love,
Maligayang pagsapit ng kaarawan ng Panginoon sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay.
Sa kaso ko, hindi ko alam kung matatawag kong masaya ang aking Pasko dahil dala wang buwan nang hindi ako inuuwian ng aking mister.
Tawagin mo na lang akong Lorna at tatlong taon ko nang ka-live-in si Delfin. Nanlamig siya sa akin dahil hindi ko siya mabigyan ng anak.
Nagpasuri naman ako sa doktor at wala akong diprensya. Pero ayaw naman niyang magpasuri. Ipinipilit niyang wala siyang diprensya.
Naging mainit ang ulo niya hanggang isang araw ay hindi na siya umuwi. Alam kong mahal naman niya ako dangan nga lang ay disappointed siya at hindi kami magkaanak.
Ano ang gagawin ko?
Lorna
Dear Lorna,
Pride ang umiiral sa asawa mo. Hindi niya matanggap sa sarili na siya’y may diprensya kaya takot siyang magpasuri sa doktor.
Pero ang sukatan ng tunay na pag-ibig ay hindi ang pagkakaroon ng anak. Kung nagmamahalan kayo sa isa’t isa, hindi problema kung pareho kayong baog o kung sino man sa inyo ang may depekto.
Nasabi mong live-in lang kayo. Bakit hindi kayo nagpakasal? Bilang Kristiyano, hindi ako pabor sa pagsasamang walang basbas ng Diyos.
Kung magkakabalikan kayo at kalooban ng Diyos, yayain mo siyang magpakasal at baka sa paraang iyan ay sumainyo ang pabor ng Diyos at basbasan kayo ng anak.
Walang imposible sa Diyos.
Dr. Love