Dear Dr. Love,
Tulungan po ninyo akong mapanumbalik ang respeto sa sarili, dulot ng aking kapangahasan na makuha ang binatang natitipuhan ko, sa kabila ng edad kong 50 anyos, bilang pagganti na rin marahil sa aking asawa.
Ako po ay hiwalay sa asawa at mayroong dalawang mga dalaginding na anak. Hindi ko na po matagalan ang pambabae ng aking asawa kaya naghiwalay kami. Gayon pa man ay sustentado niya kami, bukod pa ang sarili kong pinagkakakitaan.
Parang naging obsession ko na maghanap ng isang binata, may hitsura, mabait at may pinag-aralan kahit na mahirap ang buhay. At nakilala ko si Ernest, 28 anyos, binata, may trabaho pero kapus para isustento sa pamilya ang kanyang sahod. Naging magkaibigan kami sa simula hanggang sa nagmistulang manliligaw niya ako. Pati ang kanyang pamilya ay nilagawan ko sa pamamagitan ng iba’t ibang regalo at mga pabor.
Kinukuha ko si Ernest bilang driver bodyguard ko sa aking mga lakad. At minsan sa isang lakad namin sa Tagaytay, nagkunwari akong lasing kung kaya’t napilitan siyang kumuha ng isang kuwarto sa mga paupahang hotel at doon ako nagtagumpay sa gusto kong mangyari sa amin.
Nauwi ito sa pagkahiya ko sa aking sarili dahil sa kabutihan ni Ernest sa akin. Malaki ang pagsisisi niya sa nangyari dahil isang kaibigan ako sa kanya. Sinabi rin niya na huling pagkikita na namin ang gabing iyon. Mula noon ay iniwasan na niya ako. Ipinasauli pa niya sa akin ang mga iniregalo kong mga bagay sa kanya kasama na ang refrigerator at aircon. Masakit ang nangyaring ito. Umaamot lang naman ako ng kaunting pagmamahal. Hindi naman ako naghahangad ng kasalan.
Alam kong kasalanan ko ang lahat. Payuhan mo po ako kung bakit ganito ang laging nangyayari sa akin.
Maraming salamat po at more power to you.
Alicia
Dear Alicia,
Masuwerte ka sa pagkakaroon ng isang kaibigang tulad ni Ernest na tumangging samantalahin ang pagkaloko mo sa kanya para ikaw ay gawing isang “milking cow.”
Pero hindi lahat ng lalaki ay gaya ni Ernest, kaya sikapin mo na lumagay sa dapat kalagyan ng isang babae at alalahanin mo ang dalawa mong anak na dalaga na.
Darating sa buhay mo ang para sa iyo kung talagang ibibigay ito sa iyo ng tadhana.
Dr. Love