Single at 40
Dear Dr. Love,
Greetings in the name of the Lord!
Single po ako sa edad na 40-anyos. Naging mahirap po para sa akin ang muling magtiwala sa ibang tao buhat nang sapitin ang kalagayan ko ngayon.
Noon, hirap akong tanggapin ang kinasadlakan ng aking buhay. Nakulong po ako matapos madiin sa isang kaso. Pero natutunan ko na rin pong tanggapin ang lahat at mula sa mga nalalabing bahagi ng aking pagkatao ay nagsikap akong magsimulang muli.
Sa kasalukuyan ay isa po akong kitchen worker sa Medium Security Compound ng Camp Sampaguita dito sa Muntinlupa City.
Nais kong makalimot at sa nalalabing panahon ko dito sa bilangguan, nais ko po na makabawi sa aking sarili. Gusto ko po na mapasaya ang aking kalooban. Na kahit pa lingunin ko ang mga masasakit na alaala, kabilang na ang pagtalikod sa akin ng babaeng aking minahal ay mapapangiti na lang ako.
Nais ko pong mapalago ang pag-asa sa aking puso. At sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kaibigan sa panulat ay makapulot ako ng inspirasyon na lalong magpapatatag sa aking determinasyon na makabangon sa buhay.
Sa pamamagitan ng mga kaibigan ay umaasa rin po ako na manunumbalik ang aking tiwala sa sarili at sa mga taong nasa paligid ko. Mayroon pa kayang magtiwala sa akin matapos akong maging convicted? Payuhan po ninyo ako.
Celedonio Sunico
Dorm 227 Bldg. 2 MSC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Celedonio,
Huwag mong hayaan na makaramdam ka ng panaliliit sa sarili dahil sa mga napagdaanan mo sa bilangguan. Sa sandaling makalaya ka, maging handa ka sa mas malaking hamon sa labas. Mga hamon na susubok sa iyong hangaring makabangon.
Hindi mo kakayanin ang pagharap sa mga ito kung sa sariling lakas ka lamang dedepende, ilahad mo bawat plano sa Maykapal at tuwiran kang magtiwala sa Kanya para makatiyak na hindi ka mapapahamak.
Gamitin mo rin ang leksiyong natutunan mo mula nang makulong ka, maging ang masaklap na pagtalikod sa iyo ng babaeng minahal mo para masiguro na magiging mabuti para sa iyo ang mga susunod na desisyong gagawin mo sa buhay mo. Panatilihin mo rin ang positibong pag-iisip at huwag kang mawawalan ng pag-asa.
Hangad ng pitak na ito ang iyong kaligayahan. God bless.
DR. LOVE
- Latest
- Trending