Lulunin ang pride
Dear Dr. Love,
Isa po akong tagahanga ninyo at inaasahan ko na mabibigyan mo ng solusyon ang kasa lukuyang problema ko. Tungkol po ito sa kinakailangang operasyon sa genital organ ng aking anim na taong gulang na anak.
Hindi bumababa ang isang bahagi ng kanyang organ at para mabalanse ito kailangan ang operasyon at maiwasan ang pagkakauwi nito sa prostrate cancer kung lumaki na siya at hindi magawan ng remedyo ang kanyang problema.
Ang anak ko pong ito ay anak ko sa pagkadalaga. Hindi po kami kasal ng kanyang ama dahil tutol sa akin ang kanyang mga magulang, na ang gusto ay makasal siya sa isa ring Tsinoy na tulad nila. Inalok naman ako ng ama ng bata na susustentuhan niya ang aming anak pero tinanggihan ko ito.
Kaya ko kakong buhayin ang aking anak nang wala siyang tulong basta huwag na lang niya kaming gagambalain. May pera ang kanyang pamilya at alam kong kaya niya akong matulungan sa problemang pangkalusugan ng bata.
Nag-aalangan po akong humingi ng tulong sa dati kong boyfriend sa pangambang ito ang maging daan para kunin niya ang aming anak bagaman mayroon siyang pinirmahan noon na waiver.
Mabait naman siya hindi tulad ng kanyang mga matapobreng magulang. Alam kong kung kakausapin ko siya, tutulong siya sa bata para maoperahan.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Maraming salamat sa maagap ninyong payo.
Yours truly,
Single Mom
Dear Single Mom,
Kalimutan mo na muna ang iyong pride. Ang importante ay maoperahan ang anak mo nang hindi ito maging sagabal sa kanyang normal health paglaki niya. Kapag ang isyu ay ang kalusugan ng anak dapat lulunin mo muna ang iyong pride. Kahit pumirma ang nobyo mo noon ng waiver sa kostudiya ng bata, obligasyon pa rin niya ang tiyakin na okey ang kanyang kalusugan at maging ang edukasyon nito. Magiging malaking dalahin ng iyong konsiyensiya kung lumala ang problema ng iyong anak at wala kang ginawa para malutas ang pangangailangang pinansiyal na magagamit sa operasyon. Kaya huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa.
Dr. Love
- Latest
- Trending