Dear Dr. Love,
Greetings in the name of our Lord! Sana po sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan.
Isa po akong inmate dito sa pambansang bilangguan. Sa kalungkutan na nararanasan ko, hindi po ako nawawalan ng pag-asa na makakalaya balang araw. Pinagsisihan ko na ang aking nagawa at puspusang nagbalik-loob sa ating Panginoon para makapagbagong-buhay.
Nagdesisyon din akong magpatuloy ng libreng pag-aaral dito sa loob bilang bahagi ng aking paghahanda sakaling makalaya na.
Dr. Love, gusto ko po sanang humingi ng tulong para magkaroon ng kaibigan na makakasulatan, baka sakaling makahanap po ako ng maaaring maging inspirasyon sa hangad kong pagbabago.
Malapit na rin po ang paglaya ko at nais ko na bago dumating ang araw na iyon, mayroon na akong mga kakilala at kaibigan na maaaring masandalan lalo na sa panahon ng pagsubok. At kung loloobin po ng Diyos, gusto ko rin magkaroon ng sariling pamilya at magkaroon ng mapayapang buhay.
Sana po’y mailathala ninyo ang liham kong ito. Hangad ko po ang patuloy na paglawig ng inyong pitak. Mabuhay po kayo!
Cris Sanchez
Student Dorm I B
YRC Bldng. 4
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Cris,
Tunay na nanatili ang tsansang makapagbago sa mga nilalang na naligaw ng landas. Ang kailangan lamang ay magkaroon ng pagkukusa. Naniniwala ang pitak na ito sa iyong magandang hangarin sa buhay. At ang mga katulad mo ay makakaasang hindi pababayaan ng Maykapal, basta patuloy kang manalig at magsikap para sa ikabubuti.
Hangad ng iyong lingkod ang katuparan sa iyong mga ninanais sa buhay. Lalo na sa sandaling makabalik ka na sa malayang lipunan at bumuo ng iyong sariling pamilya. Nawa’y hindi ka makalimot sa leksiyong itinuro sa iyo ng mga nagawang pagkakamali. At higit mong mapagtibay ang iyong relasyon sa Diyos kahit wala ka na sa loob ng bilangguan.
Maraming salamat sa pagtitiwalang ipinagkaloob mo sa amin. God bless you!
Dr. Love