Dear Dr. Love,
Isang malaking karangalan po ang mabigyang daan sa pitak na ito at makahingi ng mahalaga ninyong payo.
Ako po 19 anyos at mayroon po akong type na type na binata na ka-edad ko rin. Malapit kaming magkaibigan at malapit ang kanyang pamilya sa aking pamilya. Ang problema po ay may pagkatorpe si Brian at parang hindi niya pansin na crush ko siya. Palibhasa kasi, magkaibigan nga kami at lagi niya akong pinipikon lalo na sa mga binatang aalialigid sa akin. Wala naman siyang sinasabi sa akin na babaeng nililigawan niya. Tinitikis ko na ngang pagselosin siya pero wala pa ring epekto.
Bagaman masasabing nasa modernong panahon na ngayon, parang hindi ko ma-take na ako ang unang magpaparamdam ng aking damdamin.
Payuhan mo po ako. Ano po ang paraan para malaman ko kung siya man ay may feelings din sa akin? Hindi ko po ito masabi sa aking nanay dahil nahihiya po ako.
Maraming salamat po sa tulong ninyo.
Abigail Montes
Dear Abigail,
Puwede mo namang daanin din sa biro ang pagtatanong sa type mong lalaki kung may feelings siya sa iyo. Hindi naman masama kung tanungin mo kung anong mga katangian ang nais niya sa gusto niyang babae at biruin mo kung ano ang katangian mayroon ka na gusto niya. Iparamdam mo rin sa kanya na marami siyang katangian na gusto mo sa isang lalaking magiging boyfriend.
Kung wala pa ring epekto, maaaring hanggang friendship lang ang turing niya sa relasyon ninyo.
Dr. Love