Dear Dr. Love,
Itago mo po ako sa pangalang Imee, taga Makati City. Nais ko pong humingi ng mahalaga ninyong payo. Ang suliranin ko po ay kung paano ko haharapin ang nalalapit kong pag-alis patungong abroad para magsilbing tagapag-alaga ng dalawang pamangkin ko.
Sinawing-palad po kasi ang kanilang ina, ang kapatid ko nang magkaroon ng kumplikasyon sa kanya sanang ikatlong anak. Pareho po silang namatay ng baby. Humingi ng tulong sa aking mga magulang ang aking bayaw at ako nga po ang naiprisinta. Humingi ng tulong ang aking bayaw sa mga ahente ng agency na tumutulong sa pangingibang bansa ng mga Pinoy sa US. At para raw mapadali ang aking pag-alis, mag-apply daw ako ng fiancee visa para kunwari ay magpapakasal sa aking bayaw. Pumayag naman ang aking bayaw sa suhestiyong ito.
Ang problema ko, Dr. Love, mayroon akong crush sa aking bayaw nang una ko pa lang siyang makita nang bumisita sila ng kapatid ko dito sa Pinas. Ang crush na ito ay tumindi habang tumatagal ang pagkilala ko sa kanya. Wala naman akong intensiyong agawan ang aking kapatid noong buhay pa siya. Pero ngayong wala na siya at titira ako sa bahay nila para maging nanny ng kanyang mga anak, ang pangamba ko baka hindi ko makontrol ang aking sarili. Gentleman ang aking bayaw at alam kong safe ako sa pagtira ko sa kanila. Hindi ko rin alam kung mayroon na siyang ibang nililigawan, ngayong malaya na siya.
Payuhan mo po ako. Dapat ba akong magpatuloy sa aking planong pag-abroad para sa kapakanan ng aking mga pamangkin o kung tanggihan ko ito at ipagtapat sa aking mga magulang ang aking lihim na pag-ibig sa aking bayaw? Marriage for convenience lang ang alok ng bayaw ko at pagkaraan ng ilang panahon, puwede akong magharap o siya ang magharap ng diborsiyo.
Hihintayin ko po ang kasagutan ninyo.
Gumagalang,
Imee ng Makati City
Dear Imee,
Pag-aralan mong mabuti ang iyong sarili tungkol sa damdamin mo o ang malaking pangangailangan ngayon ng mga naulila mong pamangkin. Naniniwala ako na gaano man kalaki ang paghanga mo o pag-ibig mo sa iyong bayaw, kung mananaig ang pagmamalasakit mo sa mga naulilang pamangkin mo…matatabunan nito ang iyong mga pinapangambahan.
Pero kung sakaling maging stablish na ang lahat at magkataon na magkahulugan kayo ng loob ng iyong bayaw. Wala akong nakikitang masama dahil dalaga ka naman. Pero hindi natin matitiyak ang kinabukasan hangga’t hindi ito nangyayari. Paano kung hindi umayon ang iyong bayaw sa posibleng kawalan mo ng kontrol dahil wala siyang gusto sa iyo?
Pinakamabuti ay sarilihin mo ang lahat at magpaubaya para sa kapakanan ng kawawang mga pamangkin mo, na maagang nawalan ng kalinga ng isang ina. Nasa iyong mga kamay ang pagpuno sa malaking kakulangan na ito. Sana kahit paano ay natulungan ka ng pitak na ito na makapagdesisyon.
Dr. Love