May magmamahal pa ba?

Dear Dr. Love,

Isa po akong bilanggo at naghihintay na lang ng dalawang taon para ganap na lumaya sa sentensiyang iginawad sa akin sa kasong illegal possession of firearms.

Taong 1994 ako nakulong. Matagal din ang bubunuin ko kaya minabuti kong payuhan ang aking kasintahan na huwag na akong hintayin dahil hindi magiging makatarungan para sa kanya na igapos sa isang pangako ng isang bilanggo.

Marami ang nawala sa akin sa pagkakakulong ko. Nawalan ako ng trabaho sa isang pagawaan ng sapatos sa Marikina City. Nawalan pa ako ng nobya na pinakamamahal ko.

Pero ngayon na nalalapit na ang paglaya ko, nagkakaroon naman ako ng pangamba. Sa palagay kaya ninyo, sa isang tulad kong 44 taong gulang, may babae pa kayang magkakagusto sa akin? Wala rin kasiguruhan kung may mapapasukan uli akong trabaho. Wala akong kamag-anak at damdam ko na nag-iisa na ako sa mundo.

Nangangarap din po akong magkaroon ng sariling pamilya, na naunsiyami nga nang makulong ako. Kaya ang hiling ko po ay magkaroon muna ng kaibigan sa panulat para mawala ang aking kalungkutan. Mahirap po palang mabuhay nang walang nagmamahal. Maraming salamat po sa pagla­lathala ninyo ng liham kong ito. More power to your column.

Umaasa,

Bernie Cortez

Student Dorm, 1 B YRC

 Bldg. 4 MSC

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Bernie,

Huwag kang mawalan ng pag-asa. Baga­man ikaw ay bilanggo, mayroon pang mara­ming magagandang pagkakataon na naghihintay sa iyo.

Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Pa­­ngi­noon dahil tutulungan ka Niya para mabuong muli ang iyong mga naunsiyaming pangarap­ sa buhay.

Dr. Love

Show comments