Miserable ang buhay may asawa
Dear Dr. Love,
Itago na lang po ninyo ako sa bansag na Miserable Wife.
Sa kasalukuyan po, dumaranas ako ng pagtatalo ng damdamin kung patuloy pa akong magpapakamartir o dapat ko nang ipagtapat sa aking mga kamag-anak, na hindi na ako masaya sa aking buhay may asawa.
Ang pamilya ko at pamilya ng aking mister ay parehong relihiyoso at konserbatibo. Taboo sa kanila ang paghihiwalay ng mag-asawa. Kung puwede pang mahilot hangga’t maaari, ayaw nila ang broken family. Nakakahiya raw sa sosyedad at mayroong epekto ito sa mga anak.
Pero paano po kung hindi ko na matagalan ang masamang ugali ng aking asawa? Mabait at mapagmahal ang alam ng marami sa ugali ng aking asawa. Pero may ibang bahagi po ang kanyang pagkatao.
Unang-una, hindi ko na matagalan ang kanyang pagiging alcoholic. Pangalawa, palaging gusto niya siya ang nasusunod. Pati pag-iisip ko, gusto niya kontrolado niya. Wala rin siyang konsiderasyon kung napapagod ka na sa trabaho sa bahay at opisina kung mayroon siyang mga bisitang mga kamag-anak at kainumang mga kaibigan. At higit sa lahat, gusto niya kanya-kanya kami ng paghahawak ng aming kita.
Napapagpasensiyahan ko na ang pagiging mainitin ng ulo niya pero nang may ilang ulit na niya akong sinaktan at ang masakit niyang pananalita kung galit ay hindi ko na yata mapapalampas pa. Ang nakakapigil na lamang sa akin na makipaghiwalay sa kanya ay ang aming mga anak.
Payuhan mo po ako.
Lubos na gumagalang,
Miserable Wife
Dear Miserable Wife,
Matagal mong kinunsinte ang iyong asawa sa pagmamalabis kaya marahil nawili siya. Pero hindi ako sang-ayon na maging option ang paghihiwalay sa mag-asawa. Kaya mabuti pang gawin mo ang lahat ng paraan para magkaayos kayo. Mag-usap kayo ng masinsinan. Sabihin mo sa kanya ang lahat ng nagiging problema mo sa inyong relasyon at ang nakikita mong paraan para makakawala dito.
Kung walang mangyayari ay saka mo sabihin sa inyong mga kapamilya ang prob lema ninyo. Para matulungan ka nila na i-work-out pa ang pagsasama ninyong mag-asawa. Ikonsidera mo rin ang isa pang pagkakataon para sa iyong asawa, alang-alang na rin sa inyong mga anak.
Dr. Love
- Latest
- Trending