Dear Dr. Love,
Isang maligayang pagbati sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Hindi po ako hihingi ng payo, kundi nais ko lamang ibahagi sa inyo at sa inyong malawak na mambabasa ang aking karanasan sa pag-ibig.
Ang masaya ko na sanang paglaya ay binalot ng hinagpis nang makarating sa akin ang isang trahedya. Ang pinananabikan kong muling pagkikita at planong pagbabagong-buhay namin ng aking asawa ay hindi na matutuloy. Dahil sinawing-palad siyang masawi nang maaksidente ang sinasakyang bus.
Bago pa mangyari ang lahat. Nanggaling ang aming pagsasama sa masalimuot na sitwasyon. Nang mahumaling sa ibang lalaki ang aking misis. Habang ako ay nasa abroad. Biglaan noon ang aking pag-uwi dahil sa may sakit kong ina sa probinsiya. Dumiretso muna ako sa bahay ng aking nanay sa probinsiya bago umuwi sa aming tahanan. At doon bumulaga sa akin ang kataksilan ng aking asawa.
Naaktuhan ko silang nagroromansa sa loob mismo ng aming bahay. Hindi ko napigilan ang aking sarili sa matinding poot at napatay ko ang lalaki. Na siyang nagtulak sa akin para mabilanggo.
Doon ang maraming taon bago kami nagkabati. Humingi ng tawad ang aking asawa at pinatawad ko siya, dahil na rin sa payo ng pastor na umakay sa akin sa loob ng bilangguan. Sinabi niyang nangulila siya ng lubos sa akin, na sinamantala naman ng lalaking kalaguyo niya. Ninais na niyang makipaghiwalay pero bina-black mail siya at sinasabing magsusumbong kung hindi na siya pakaikisamahan.
Makalipas ang isang buwan ay naibaba naman ang aking commutation of sentence. At nang malapit na akong lumaya, saka sinabi sa akin ng mga kamag-anak ang nangyari sa aking asawa.
Nanlumo ako dahil sa kabila ng lahat nang nangyari ay mahal na mahal ko pa rin ang aking asawa. Ang sabi ng aking mga kamag-anak, karma raw ang inabot ng aking misis. Pero para sa akin, natapos na ang misyon niya sa mundo kaya kinuha na siya ng Lumikha. Kung saan man siya naroon, sana’y malaman niyang mahal ko pa rin siya.
Salamat po,
Benjie
Dear Benjie,
Pambihira ang laan mong pag-ibig para sa iyong asawa. Sa panahon ngayon, bihira na ang may kasing dakila ng pagmamahal na mayroon ka para sa iyong kabiyak. Pero may mga sitwasyon na hindi natin kontrolado. Bagaman hindi na natuloy ang balak ninyo ng iyong asawa na magsimulang muli, natitiyak kong maligaya siya saan man siya naroroon dahil pinatawad mo na siya. Nawa’y sumaiyo ang higit na katatagan ngayon bilang solong tagapagtaguyod ng inyong mga anak. At naniniwala ang pitak na ito na magagawa mo, dahil may dalisay kang kalooban. Magpatuloy ka sa matuwid na landas, God bless you!
Dr. Love