Kinasal na ang pinakasalan

Dear Dr. Love,

Isa po akong Fil-Am na bumibisita sa bansa para makilibing sa isang kaibigan na nakatulong ng malaki para makumpirma ang tungkol sa pagkatao ng babaeng pinakasal ng aking anak.

Dahil sa kaibigan kong ito ay nakumpirma ko ang aking suspetsa sa babaeng pinakasalan ng aking anak. Dati siyang TNT at nang maging asawa ng aking anak na US Navy ay naging legal ang paninirahan sa US, nagkaroon din ng financial security.

Tumindi ang aking pagnanais na malaman ang background niya nang malaman ko na mahilig siyang mag-casino. Nangamba ako na habang­ nasa karagatan at naglalayag ang aking anak ay nilulustay naman niya ang pinaghihirapan nito.

Ang nabanggit ko na yumaong kaibigan ang siyang­ nilapitan ko noon para patingnan sa census office ang record ng manugang ko. Bingo! Sa dokumentong ipinadala ng kaibigan ko, nalaman ko na may asawa at kasal na si Shiela. May anak din siya, dahil nakakuha ang kaibigan ko ng kopya ng birth certificate nito.

All the while, null and void pala ang kasal niya sa aking anak. Nalaman ko rin na nagpapadala pala siya ng pera kada buwan para sa kanyang anak. Halos hindi makapaniwala ang anak ko sa natuklasan ko. Nagkaroon ng komprontasyon at nagsampa ng demanda­ ang aking anak.

Ngayon ay inaalagaan naming mag-asawa ang dalawa naming apo. Pagkaraan ng tatlong taon ay nag-asawang muli ang aming anak at ngayon ay masaya­ siya at may dalawang anak na rin sila.

Utang ko sa yumao kong kaibigan ang kata­himikan ngayon ng aming pamilya at ang kaligayahan ng aking anak sa pangalawa niyang asawa.

Maraming salamat po sa inyo.

Gumagalang,

Cenen ng Florida USA

Dear Cenen,

Wala talagang kaseguruhan ang pag-aa­sawa. Maswerte ang iyong anak sa pagkakaroon ng ina na gaya mo. Malas naman ng babaeng nagsamantala sa iyong anak.

Maswerte ka rin sa pagkakaroon ng maasahang kaibigan. Natitiyak ko na nakapulot ng lek­siyon­ ang ating mga mambabasa sa karanasan mo. Hangad ng pitak na ito ang tuluy-tuloy na kaligayahan sa pamilya ninyo.

Dr. Love

Show comments