Tunay na pag-ibig ang hanap

Dear Dr. Love,

Talaga po yatang kakambal ko ang kabiguan sa pag-ibig. Tatlong lalaki na po ang pinaniwalaan kong magmamahal ng totoo sa akin pero lahat sila ay inanakan lang ako at nauwi ang relasyon sa paghihiwalayan.

Pero sa kabila ng lahat, Dr. Love ay parang wala pa rin akong kadaladala. Para sa akin nagsisilbing hamon ang mga mapait kong karanasan para huwag sumuko hanggang sa makatagpo ng tunay na pagmamahal.

Ang ama ng aking panganay ay isang drug user at pusher, ang mga sumunod ay kapwa batugan. Ayaw maghanap-buhay palibhasay maaari silang mabuhay in-style dahil nakapag-broad ako bilang domestic helper.

Hiniwalayan ko sila at nagpasyang umuwi na sa ‘Pinas para magbagong tatag ng buhay. May naipon akong kaunting pera at ito ang ginamit kong puhunan sa munting karinderya. Ang tatlo kong anak, kinuha ko na rin sa aking­ nanay para sama-sama na kami sa isang paupahang bahay.

Dapat sana hindi na ako uli mag-iisip na maghanap ng makakatuwang sa buhay. Pero bakit po parang ako ay hindi makaramdam ng ligaya kung wala akong minamahal at magmamahal sa akin? Normal lang po ba ito Dr. Love? Hindi ba dapat na masiyahan na lang ako sa pagbuhay sa aking mga anak kahit ako ay nagsosolo o unwed mother?

Payuhan mo po ako. Sa ngayon, wala pa naman akong karelasyon. Pero hindi ko maiwasang mag-isip na maghanap uli ng lalaking­ iibig sa akin sa kabila ng aking dinanas na mga kasawian sa pag-ibig.

Hanggang dito na lang po at hihintayin ko ang mahalaga ninyong payo.

Maria Dolores

Dear Maria Dolores,

Normal lang sa isang babae na maghanap ng kaligayahan at umasang balang araw, mayroong isang lalaking makakatuwang niya sa pagsalungat sa mga unos ng buhay.

Pero sa dami na ng masamang karanasang nakaharap mo sa mga lalaking minahal, seguro naman dapat na maging mas matalino ka kung muling iibig.  Kung pawang luha lang at pasakit ang daranasin mo sa buhay sa mapipili mong partner sa buhay, mas makabubuting ibaling mo na lang ang lahat ng pagsisikap sa pagbuhay ng iyong mga anak.

Kung maghahanap ka ng ka-partner, tiyakin mong magiging mabuti silang ama sa iyong anak at ituturing silang sariling mga supling. Nagkamali ka na nang ilang ulit, dapat magtanda ka na para hindi ka magiging kawawa sa bandang huli.

Dr. Love

 

Show comments