Naging mabuting ama
Dear Dr. Love,
Sumulat po ako para maibahagi at sana sa maliit na paraan ay maging inspirasyon para sa inyong malawak na mambabasa.
Na-involve po ako sa bawal na pag-ibig noon. Magka-opisina kami ni Thelmo at magkaibigan. Madalas na niya akong hinahatid saka siya naghihinga ng kanyang mga kabiguan sa kanyang asawa. Matagal na siyang umaasa na magkakaanak pero nananatiling bigo. Hanggang sa aminin ng kanyang asawa na wala itong kakayahan na mabigyan siya ang anak.
Pakiramdam ni Thelmo nadaya siya. Dito nagsimula ang aming relasyon kung saan naging mabuting ama-amahan siya ng aking anak sa pagkadalaga. Pero natauhan ako nang malaman ng asawa niya ang tungkol sa amin. Kinausap ako ng asawa ni Thelmo at sinabing hindi niya tinututulan ang relasyon namin. Ito ay sa paniniwalang naibibigay ko ang pangangailangan sa pagkakaroon ng anak sa asawa niya. Sinabi pa niya na hihilingin lang niya na uwian siya ni Thelmo dalawang beses kada linggo dahil hindi niya raw kayang mawala sa buhay niya ang asawa.
Dahil dito nakonsensiya ako sa kabutihan ng asawa ni Thelmo. Magdadalawang taon na ang aming relasyon nang magdesisyon akong makipaghiwalay. Nag-abroad ako kasama ang aking anak. Minabuti ko na rin gawin ito para hindi maging lalong mahirap para sa akin, lalo na sa aking anak na kinilalang ama-amahan si Thelmo.
Naging maganda naman ang takbo ng buhay ko sa abroad kung saan isang dayuhan ang kalaunan ay naging katuwang ko sa pagbuo ng pamilya. Sa panahong ito ko nabalitaan ang pagyao ni Thelmo. Mismong ang kanyang asawa ang nagbalita sa akin. Sinikap ko na makipagkomunikasyon sa kanya alang-alang sa kabutihang loob niya sa akin noon. Inimbita niya akong dumalo sa libing pero minabuti ko nang huwag umuwi para hindi makaeskandalo sa burol. Nangako ako sa asawa ni Thelmo na makikipagkita uli ako sa kanya sa ibang pagkakataon.
Hanggang dito na lang po. Mabuhay kayo at God bless you always.
Lyn
Dear Lyn,
Isa kang mabuting babae kaya naman marahil pinagpapala ka ng Diyos sa pagkakatagpo ng panibagong kaligayahan. Natitiyak ko na nag-iwan ng mahalagang aral sa mga mambabasa ng Dr. Love ang karanasan mo.
God bless you din at hangad ng pitak na ito ang patuloy mong kaligayahan.
Dr. Love
- Latest
- Trending