Nawalan ng direksiyon ang buhay

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you!

Tubong Caloocan City po ako, 27 years old at mula sa mahirap na pamilya kaya nahinto sa pag-aaral at napilitang maghanap ng trabaho. Pero hindi naging madali para sa katulad kong high school dropout. Sa tulong ng isang kaibigan, napasok akong modelo sa isang bar. Naging mabenta ako dahil noon ay 16 anyos pa lamang ako. Nakakasawa rin pala ang kahalayan.

Naisipan kong tumira sa kapatid kong nasa Quezon City. Dito ako nagkaroon ng relasyon at nabuntis ko siya. Napilitan lang akong pakisamahan siya dahil sa sanggol. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon tumakas ako. Nagpunta ako sa Boracay. Pagkaraan ng dalawang buwan, tumanggap ako ng isang envelope sa koreyo na ang laman ay larawan ng aming baby ni Lyn. Naantig ang puso ko kaya’t nangako akong babalik sa Valentine’s Day para pabinyagan ang aming baby na pinangalanan kong Crizzylyn Jade. Abril nang makauwi ako at isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Nasangkot ako sa trouble ng kapatid ko. Nasaksak siya at napagbalingan naman ako at sa pagdepensa sa sarili ay nakapatay ako. Pero napawalang-sala.

Natuluyan akong makulong nang sumali sa race kung saan nanalo ako pero nagkaputukan. Hindi ko na nakuha ang panalo ko, nahuli pa ako ng mga nagpapatrol na pulis. Dahil sa nangyari, na-stroke ang tatay ko, iniwan pa ako ng aking mag-ina.

Nagkaroon uli ako ng karelasyon sa kulungan, isang nurse doon at nagkaanak din kami. Pero nauwi sa paghihiwalay.    

Hanggang ngayon ay binubuo ko pa ang hatol sa akin. Nag-aaral ako dito.  Sana ang karanasan ‘kong ito ay kapulutan ng aral ng ibang tulad ko na walang direksiyon ang buhay. Nais ko rin magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Maraming salamat po,

John Martin dela Cruz

MSC Camp Sampaguita

Student Dorm

Muntinlupa City 1776

Dear  JM,

Natangay ka ng agos ng buhay. Kaya nawalan ka ng kontrol sa pagsalungat mo sa mga pangyayaring dumating sa buhay mo. Naniniwala ako, na hindi ka likas na masama. Biktima ka lang ng masamang impluwensiya ng iyong kapaligiran at naging karanasan sa buhay.

Sikapin mo na maituwid ang iyong buhay sa sandaling makalaya ka na sa piitan. Pag­labas mo, hanapin mo ang iyong mga anak at humingi ng tawad maging sa kanilang ina. Huwag kang makakalimot sa Diyos at hindi ka Niya pababayaan.

Dr. Love

Show comments