Dear Dr. Love,
Good day! Sana ay datnan kayo ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan. Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Ms. Confused, I had a boyfriend for 2 years. Nakipag-break po ako sa kanya 2 months ago sa kadahilanang parang bigla na lang nawala ang pagmamahal ko sa kanya.
Ang boyfriend ko po ay high school grad. at walang trabaho samantalang ako po ay nakatapos sa kolehiyo, may magandang trabaho at kasalukuyang nag-aaral ulit. Natakot po ako bigla para sa future ko kasi wala akong assurance sa taong napili ko sana na makapiling habang buhay. Ngunit kung anu-anong pagbabanta ang ginagawa niya kapag hindi raw ako nakipagbalikan sa kanya, kagaya ng pagpapakamatay.
Nakiusap ako sa kanya na bigyan muna ako ng pagkakataon na mag-isip at sinabi ko na babalik ako sa kanya sa tamang panahon. Dr. Love wala na po talagang akong pagmamahal sa kanya ‘di ko alam kung paano sasabihin sa kanya ‘yun baka po kasi kung ano na naman ang gawin niya sa sarili niya. Natatakot po ako. Naguguluhan na po ako ‘di ko na alam kung ano ang gagawin ko, sana po ay mapagpayuhan n’yo po ako. Salamat.
Sincerely yours,
Ms. Confused
Dear Ms. Confused,
Nagtataka ako sa iyo kung bakit binalikan mo uli ang boyfriend mo nang dahil sa awa. Ngayong nakikipag-break ka sa kanya ay nagbabanta siyang magpapakamatay. Marahil iniisip niya na makokonsensya ka kapag ginawa niya yaon. Mental blackmail ang tawag diyan.
Sabihin mo sa kanya na kasalanan ang pagpapakamatay at mapupunta siya sa impiyerno kapag ginawa niya ‘yun. Kapag nakipag-break ka at tinuluyan niya ang kanyang sarili, wala ka nang sagutin doon.
Ang relasyon ay hindi dapat base sa awa. Kapag nakatuluyan mo ang lalaking ‘di mo mahal, habambuhay kang magdurusa.
Dr. Love