Dear Dr. Love,
Ako po ay isang OFW dito sa Qatar bilang Engineer sa isang construction company. May asawa at may 3 anak ako. Mag-5 years na ako dito at may planong tumigil na after 2 years para makasama ko na ang family ko at para masubaybayan ang paglaki ng mga anak ko. Madalas naman ang communications namin ng pamilya ko thru internet halos every other day kami kung mag-chat at everyday naman ang text namin ng asawa ko. Every year din po ako nakakabakasyon ng Pilipinas.
Nais ko pong idulog sa inyo at mabigyan ng payo ang problema ko. Meron po akong HS classmates sa province, siya po ay may asawa pero hiwalay na at may mga anak na rin. Kamakailan, nagkaroon po kami ng long distance love affair ng ilang buwan pero pinutol ko ito dahil alam kong mali ito at mahal ko ang pamilya ko. Natukso po ako at naging mahina ako at pinabayaan kong mangyari ito. Pinagsabihan ko siyang itigil na namin ang communications namin para wala nang gulong mangyari. Pinagtapat ko ito sa aking asawa pagkatapos kong putulin ang relasyon namin para malaman niya na tapat ako sa kanya at hindi ko sila iiwan dahil mahal na mahal ko sila. Alam ng babae ang sitwasyon ko, pero pinipilit pa rin niyang maging kami kahit na pangalawa lang siya sa pamilya ko. Ayon sa kanya, sa akin lang daw niya nakita ang tunay na kaibigan na nagmahal sa kanya kaya nahulog na ang loob niya sa akin. Ang tanging gusto lang niya ay mahalin ko siya. Gusto niyang maging lihim lang ang relasyon namin dahil ayaw niyang masira ang pamilya ko. Inaamin ko po na minahal ko rin siya pero kahit na nakipagkalas na ako ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang babaeng ‘yun. Alam ko po na magdudulot ito ng hindi maganda sa aking kalusugan kung hindi ko ito ilalabas.
Pagpayuhan n’yo po ako. Maraming salamat.
Gumagalang,
John
Dear John,
Mayroon kang masayang pamilya na binubuo ng iyong minamahal na kabiyak at mga anak. Para sa isang ama na katulad mo, iyan ay biyaya ng Diyos.
Kung minsan, may mga pita ang ating laman na humahatak sa atin palayo sa katuwiran, sukdulang mawasak ang ating pamilya. Huwag mong hayaang mangibabaw ang ganyang damdamin ‘pagkat mali.
Lagi kang manalangin sa Diyos dahil Siya lamang ang puwedeng magbigay ng kalakasan sa iyo para mapaglabanan ang tukso. Magbulay ka rin sa kanyang salita dahil iyan ang magbibigay sa iyo ng kalakasan.
Kasama ka sa aking panalangin.
Dr. Love