Dear Dr. Love,
Mayroon po akong problema sa aking bestfriend at matagal nang panahong “secret love.” Bale, malayong relative ko na si Romy. Magkaedad kami sa gulang na 22 years old, parehong bagong tapos sa kolehiyo at kapwa naghahanap pa ng trabaho sa ngayon. Very close kami sa isa’t isa at dahil sa malapit naming relasyon, marami nga ang nagkakamali na mag-on kami.
Ang hindi alam ni Romy, nasasaktan ako kapag nakikita ko ang pagkainis niya sa mga nanunukso na magkarelasyon kami. Talaga yatang wala akong puwang sa kanyang puso at mangangarap na lang ako na magkakatotoo ang panunukso sa amin.
Minsan, nagkayayaan kami ng barkada na kumain sa labas. Nauwi ito sa pag-iinuman. At nang pauwi na, marahil dala ng kalasingan ay nag-motel kami ni Romy para makapagpalipas ng gabi, pero higit pa roon ang nangyari.
Pero sa kabila ng lahat ay hindi pa rin namin napag-uusapan ang tungkol sa gabing iyon. Wala naman nagbago sa samahan namin. Nagpupunta siya sa aming bahay at niyayaya akong magsine o kumain.
Plano ko nang ako ang magbukas ng isyu para magkaalam-alam na kung ano ang katayuan ko sa kanya. Pero natatakot naman ako na sabihin niya sa akin na hanggang magkaibigan lang kami at ang nangyari ay isang sulak lang ng damdamin.
Payuhan mo po ako. Tama ba ang gagawin ko? Maraming salamat sa pang-unawa at hintay ko ang kasagutan ninyo.
Truly yours,
Gigi Fuentes
Dear Gigi,
Marahil, tulad mo, nangangapa pa rin si Romy kung paano niya sisimulan ang pag-ungkat sa iyo sa nangyari.
Yaman din lang na hindi ka mapakali, ikaw na nga ang kumausap sa kanya at kung ako, ikaw, sasabihin ko na ang tunay kong damdamin sa kanya. Mabuti nang magkaalaman na kung may patutunguhan ba o wala ang inyong “magandang samahan.”
Pero kung nag-aalangan siya sa pagsasabi ng tunay niyang damdamin para sa iyo, huwag mong ipilit ang gusto mo. Ipagpatuloy mo lang ang magandang trato sa kanya at baka sa kalaunan, magigising din siya sa katotohanan na mayroon din siyang pagmamahal sa iyo.
Dr. Love