Nagtapat sa facebook

Dear Dr Love,

Masasabi pong isa akong sinaunang tao. Hindi dahil sa matanda na ako kundi sa pag-uugali. Masyado akong konserbatibo sa babaing liligawan. Ang hinahanap ko kasi sa isang dalaga ay simple, mabait at mayumi.

Kaya nang dumating sa aming tanggapan si Celerina, natipuhan ko siya agad. Naging tampulan siya ng paghanga ng iba pang binata sa aming dibisyon, kasama na ako doon. 

Marami ang nagyayaya sa kanyang mananghalian, pero hindi siya sumasama sa iisa lang kundi sa grupo lamang. Kaya mula noon, ang grupo namin ay nabuo, dalawang lalaki at dalawa ring babae. Nahalata ng mga kasama ko ang pagtatangi ko kay Celerina kaya pinagbibigyan nila ako na makadiskarte sa kanya. Ang kaso nga lang, nadudungo ako kung kaharap siya. Hanggang maisip ko na ipagtapat ang aking damdamin sa pamamagitan ng facebook. Hindi naman niya ako binastos pero ang napansin ko, binura na niya ako sa kanyang friend list. Iniwasan na rin niya ako mula noon. Ang sakit ng loob ko.

Hanggang sa minsan, naabutan ko siyang nagsosolo sa canteen. Nilapitan ko siya at tinanong ko kung bakit niya ako iniiwasan, sinabi niyang tigilan ko na siya dahil sinira niya ang magandang pagkakaibigan ng aming grupo.

Sinabi rin niya na iyon na ang huling araw niya sa opisina namin dahil nag-resign na siya. Tinapat narin niya ako na hanggang pakikipagkaibigan lang ang puwede niyang maibigay na pagtingin sa akin. Sinabi rin niya na mayroon na siyang nobyo at naghihintay na lang sila ng tamang pagkakataon para pakasal sa sandaling dumating na mula sa abroad.

Mahirap talaga ang maging pihikan sa pag-ibig. Pero wala akong magagawa, bihira lang akong kumursunada ng babae at ang natagpuan ko, nakatali na pala.

Maraming salamat sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at more power.

Gumagalang,                                                                                                                     

Doming

 

Dear Doming,

Hindi pa naman huli ang lahat para makatagpo ka uli ng babaeng tulad ni Celerina. Hindi mo lang  pinalalawak ang ginagalawan mong mundo. Bakit hindi ka magbakasyon sa lalawigan at baka doon mo matagpuan ang hanap mong babae?

At kung magtatapat ka kasi ng pag-ibig, huwag mong daanin sa facebook. Sabihin mo nang face-to-face. Sa ganitong paraan madali mong makikita sa body language kung mayroon kang pag-asa o wala.

Good luck sa paghahanap mo kay lady love.

Dr. Love

Show comments