Huwag magmadali

Dear Dr. Love,

Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Lockheart. Ako po ay nag-aaral sa kolehiyo, Bachelor of Computer Science at gra­duating na po ako. May minamahal po akong lalaki, itago n’yo na lang po sa pangalang “Mr. Marine”. Graduating din po siya sa kolehiyo at magkaiba po kami ng eskwelahan. Naging magkaibigan po kami through facebook, nagkita na kami in person at nagte-text din.

Mag-on na kami nang malaman kong tutol ang kapatid niyang nasa Taiwan na magka-girlfriend siya. Minsan tatlong sunud-sunod na araw na hindi niya ako tinext kaya sa pag-aalala ako na ang nagtext sa kanya. May pahiwatig ang mga text niya hanggang sa tumbukin niya na makikipag-break na siya.

Masakit po pero kinaya ko. Sabi ko sa kanya, good friends na lang kami. Naging masaya naman po ang isang buwang relasyon namin. Ang problema ko po mahal ko pa rin siya dahil iba siya sa mga nakarelasyon ko noon. Pero naiintindihan ko po na gusto nila kaming makapagtapos ng pag-aaral.

May pag-asa po bang magkabalikan po kami ni Mr. Marine? After we graduate? Sa­lamat po at God bless!

Lubos na gumagalang,

Lockheart

 

Dear Lockheart,

Marahil ayaw muna siyang makipagrelasyon ng kanyang mga magulang at naka­tatandang kapatid dahil nag-aaral pa. May katuwiran din naman dahil baka dahil sa pa­kikipagrelasyon ay maapektuhan ang pag-aaral.

Tutal maigsing panahon lang ang hinihintay ninyo kaya huwag kayong mag-apura. Tutal, kinabukasan naman ninyo ang nakataya riyan. Kung pareho kayong mataas ang pinag-aralan, maganda ang naghihintay sa inyong kinabukasan.

Dr. Love

Show comments