Dear Dr. Love,
Sana’y tulungan mo ako sa problema ko. Mag-iisang taon na kaming kasal ng asawa ko pero ilang buwan pa lang ay umalis na siya ng bansa para magtrabaho dahil kapos kami sa pinansyal. May iniwang maliit na box ang aking asawa sa kuwarto namin na balot ng packaging tape.
Tinanong ko siya kung ano ang laman nun pero ‘di niya ako sinasagot. Minsan curious na talaga ako na malaman kung ano ang laman nun. Kaya kahit alam kong kasalanan ay binuksan ko ito.
Dun ko nalaman na pera ito, marami at dolyar galing sa bansang aming pinagtrabahuhan dati. Noong mga panahon na ‘yun ay hindi pa kami mag-asawa.
Dr. Love, may karapatan ba akong magalit sa asawa ko dahil pinaglilihiman niya ako, kahit alam kong pera niya ‘to sa pagkabinata?
Natatakot akong magalit siya kapag nalaman niyang binuksan ko ‘yun ngunit gusto ko naman na ingatan niya ang pera na ‘yun sa pamamagitan ng paglalagay sa banko at ‘di rito sa bahay na hindi naman sa amin. Malapit na rin akong umalis ng bansa para magtrabaho.
Maraming salamat po.
Sincerely yours,
Mrs. Doubtfire
Dear Mrs. Doubtfire,
Hindi ko alam kung bakit ipinaglihim ng mister mo ang perang yaon. Ngunit asawa ka niya at wala akong nakikitang mali sa ginawa mo.
Sabihin mo ang totoo sa asawa mo pero huwag mong titinagin ang pera dahil baka may mahalaga siyang pinaglalaanan para doon. ‘Yun ang itanong mo sa kanya dahil bilang asawa, karapatan mong malaman ‘yon.
Posibleng magalit siya sa iyo pero sa mahusay na pag-uusap, alam kong magkakaunawaan kayo.
Dr. Love