Bagong kasal nagluluko na
Dear Dr. love
Una sa lahat nagpupugay ako sa inyo at sa lahat ng tagasubaybay ng inyong kolum. Tawagin n’yo na lang po akong Mrs. M., 24 yrs. old kakakasal lang po namin ng aking asawa last June 26. Pero 1 year na kami nagsasama bago nagpakasal. Ang problema ko po ay ang aking asawa, nahihirapan po ako sa kanya minsan. May nabasa po ako sa kanyang cellphone. May pinalo-load-an siyang babae. Kinompronta ko siya tungkol doon, kaibigan lang at isang beses lang daw nagpa-load sa kanya. Pero Dr. Love ang nabasa ko sa text, pagpinalo-load-an naman kita ‘di mo ko kinakausap. Ibig sabihin ‘di lang isang beses pina-load-an. Tapos lagi siya walang pera. Ngayon pinaglilihiman niya ako sa pera. Sabi niya ‘di pa siya sumuweldo pero nakita ko sa bag niya ang pera. Kapag kinakausap ko siya, parating pagalit ‘di makausap ng maayos. Dr. Love ‘di naman siya dati ganon. Ano po ang gagawin ko? Sana ay mapansin at matugunan ninyo ang aking sulat na ito salamat po! More power to you and God bless!!!
Gumagalang, Mrs. M.
Dear Mrs. M.,
Nakakalungkot at iilang buwan pa lang kayong kasal ay ganyan na siya. At kahit sabihin pang isantaon kayong nag-live in ay maigsing panahon pa rin iyan para pagsawaan ka ng iyong asawa. At kung nangyari man yaon, hindi na sana tinuluyang pakasalan. Nang siya ba’y kasintahan mo pa ay kinakitaan mo na siya ng pagiging taksil?
Naitanong ko iyan sapagkat dapat sana’y kikilalanin munang mabuti ng magkasintahan ang bawat isa bago magpakasal.
Ang alam ko lang na nagkakaganyan ay ‘yung mga lalaking nagpakasal na lang at sukat nang hindi naman pala tiyak kung mahal nila ang babaeng pinakasalan, o kaya ‘yung mga tinatawag na “napikot.”
Sa tingin ko, kailangan ninyong pareho ang professional marriage counselor.
Dr. Love
- Latest
- Trending